KAHIT pinakamataas na korte ang Korte Suprema, hindi dapat nakikialam ang sinumang opisyal dito sa desisyon at operasyon ng mababang korte tulad ng regional trial court (RTC).
Kapag nakialam ang isa o dalawang opisyal mula sa mataas na dibisyon ng hudikatura, nagkakaroon ito ng masamang tinapay sa kaso.
Maging ang publiko ay nag-iisip ng masama laban sa opisyal na nakialam ukol sa takbo ng kaso.
Inilalatag ko ang pananaw kong ito upang mailagay sa tamang konteksto ang kaso sa RTC ng Cebu City kung saan biglang nakaladkad ang pangalan ni Court Administrator Jose Midas Marquez hinggil sa estafa case.
Kamakailan, naging laman ng balita si Marquez makaraang maiugnay ito sa syndicated estafa case na isinampa ng pamilya Gaisano laban sa isang Chinese.
Ang masama sa balita, kinampihan umano ni Marquez si Wong Chung Yin at iba pang kasama nito sa DW Capital sa kasong syndicated estafa na isinampa ng pamilya Gaisano ng Cebu laban sa kanila.
Ilang taon na rin ang nakalipas nang idemanda ng isang Valerie Gaisano Sebastian si Wong Chung Yin, alyas “David Wong,” ng syndicated estafa matapos madispalko umano nito ang investment ng mga Gaisano noong 2017 na umabot sa P2.6 bilyon ang halaga.
Patuloy na hinahawakan at dinidinig ng Cebu – RTC ang kaso kahit na patuloy ang pagtatago ni Wong sa batas.
Ngunit, nagtaka ang mga abogado ng pamilya Gaisano makaraang malaman nilang humiling si Wong sa korte noong 2019 na ilipat ang pagdinig sa kaso mula Cebu patungong Makati City, o Quezon City.
Nakapagtataka na nga ang biglang paghiling ni Wong sa korte na ilipat ang kanyang kaso sa korte sa Metro Manila, tapos pumasok pa ang pangalan ni Marquez sa eksena.
Paano?!
Ayon sa impormasyong nakarating sa media, tanggapan mismo ni Court Administrator Marquez ang tumawag kay Cebu Judge Stewart Himalaloan upang sabihin dito na aaksyunan ng Court Administrator ang “special request” ni Wong.
Kapag ganitong kontrobersiyal na usapin ang nakarating sa media, ang ginagawa ng mga opisyal na sangkot ay tahasang itanggi ang aksiyon ng kanyang tanggapan.
Ngunit, sa kasong ito ni Marquez ay mahihirapan siyang pabulaanan ang pangyayari.
Kahit magdasal nang magdasal si Marquez sa mga simbahan ng Quiapo at Baclaran, mahihirapan siyang makumbinsi ang mga santo sa dalawang simbahang ito na tulungan siyang mapaniwala ang mamamayang Filipino na walang masama sa naging aksiyon ng kanyang tanggapan.
Bakit?
Ang pagtawag kasi ng tanggapan ni Marquez kay Judge Himalaloan ay mayroong “transcript” ang korte.
Napakalinaw ng nakasaad sa rekord sa korte na noong Hunyo 14, 2019 naganap ang ‘kontrobersyal’ na tawag ng opisina ni Marquez kay Judge Himalaloan.
Ilang araw na ang nakalilipas, ipinagtanggol ni Atty. Marquez ang kanyang sarili.
Inihayag niya sa media na wala siyang personal na interes sa syndicated estafa ng pamilya Gaisano laban kay Wong.
Katunayan, wala raw siyang kakilala sa sinumang taong may kinalaman sa nasabing kasong kriminal.
Aniya, ang tanging ginawa ng kanyang tanggapan ay umaksiyon sa petisyong ipinarating sa kanyang tanggapan.
Kahit nagpaliwanag na si Atty. Marquez, marami pa ring tanong ang dapat niyang sagutin.
Una, bakit siya (o ang tanggapan ng Court Administrator) ang kailangang tumawag sa Cebu judge na dumidinig sa kaso?
Pangalawa, bakit kailangang ilipat sa RTC ng Makati City o Quezon City ang kaso?
Ano ba ang meron alinman sa dalawang korte na wala sa Cebu – RTC?
At ang pinakamahalaga sa lahat, bakit inaaksyunan ng Court Administrator ang special request ng isang taong nahaharap sa kasong kriminal na nagtatago sa batas?
Kumbinsido akong nangangailangan ang mga nasabing katanungan ng mas malinaw na mga kasagutan at paliwanag.
Hindi dapat manahimik si Marquez kung wala naman siyang itinatago sa kaso.
Isa pa, obligado siyang magpaliwanag upang huwag maapektuhan ng naturang kontrobersiya ang kanyang pangarap na maging mahistrado ng Korte Suprema.
