Oriental Mindoro mayors ginigipit? GOBERNADOR KALADKAD SA PERYAHAN NG BAYAN

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

TALIWAS sa posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patuloy ang pamamayagpag ng iligal na pasugalan – partikular yaong tinatawag na Peryahan ng Bayan, sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

Batay sa impormasyong nakalap ng pahayagang SAKSI NGAYON, lumalabas na laganap na ang operasyon ng Peryahan ng Bayan (PNB) sa 15 lokalidad ng naturang lalawigan bunsod ng di umano’y pamumwersa ng isang mataas na opisyal na nanggigipit sa mga alkalde para bigyan ng pahintulot ang operasyon ng iligal na palaro ng Globaltech Mobile Online Corp. na nasa ilalim ng pangangasiwa ng isang Chito Mañalac.

Nang busisiin ang rekord ng naturang kumpanya, lumalabas na tanging ang Globaltech ni Mañalac ang binigyang pahintulot ng nakaraang administrasyon para mag-operate ng Peryahan ng Bayan.

Gayunpaman, mula 2019 hindi nakapagremit ang nasabing kompanya ng karampatang bahagi ng kita sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na naging dahilan sa direktiba ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para ipatigil ang malawakang operasyon ng Peryahan ng Bayan noong Enero 2020.

Buwan ng Pebrero nang maglabas naman ng direktiba ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) at hanay ng mga gobernador, alkalde at iba pang lokal na opisyal para sa agresibong pagtugis at pagsasampa ng karampatang kaso sa piskalya laban sa mga mahuhuling patuloy na nag-ooperate ng Peryahan ng Bayan sa lahat ng sulok ng bansa.

Gayunpaman, buwan ng Marso nang ilabas ni dating Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang isang kalatas na hulihin ang mga manager, operators, agents at empleyado ng illegal numbers games – maliban sa Globatech ni Mañalac.

Mayo naman nang atasan ng Department of Justice (DOJ) ang pag-usig sa Globaltech dahil sa tahasang pagbalewala sa kautusan ng Palasyo.

Sa pagsasaliksik ng SAKSI NGAYON, lumalabas na nananatili pa rin sa talaan ng mga delinkwenteng kumpanya ang Globaltech ni Mañalac na kumakaladkad sa pangalan ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor.

Tugon naman ng Globaltech, ang pambayad nila sa PCSO ay nakatago lang sa bangko habang dinidinig pa ang arbitration sa pagitan ng Peryahan ng Bayan at PCSO.

Sa isang panayam, hayagang sinabi ng isang alkalde (na ayaw muna magpabanggit ng pangalan sa takot na pag-initan), na ginigipit sila ng isang mataas na opisyal ng kanilang lalawigan.

Subalit nang tanungin kung si Dolor ang kanyang tinutukoy, ang tanging tugon niya’y – “Open secret naman yan dito sa Mindoro.”

Paglilinaw ng PCSO, matagal nang ibinasura ang permit to operate ng Globaltech sa bisa ng “termination” sa Deed of Authority (DO) na iginawad sa nasabing kompanya.
(Editor’s Note: Bukas ang SAKSI NGAYON para dinggin ang panig ng gobernador)

275

Related posts

Leave a Comment