INIUTOS ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na pansamantalang isara ang Ospital ng Maynila dahil 15 health workers na nito ang positibo sa COVID-19.
Mula July 31 hanggang August 9, Linggo, ay isasara ang OSMA upang bigyan daan ang sanitation activities at identification ng mga healthcare worker na na-expose din sa virus.
Ayon sa alkalde, mahalaga ang mga healthcare worker ng pamahalaang lungsod kaya dapat ay malusog sila sa pisikal, emosyunal at sikolohikal na aspeto.
“Para maka-focus na maalagaan ang kalusugan ng mga frontliner natin sa medical sector, (the task) is to really stop the continuing contagion among themselves,” ayon pa sa alkalde.
Ayon pa kay Moreno, may 15 medical workers ng nasabing ospital ang nagpositibo habang 32 ang naghihintay pa ng resulta ng kanilang tests.
May 58 na indibidwal ang close contacts ng mga kumpirmadong kaso.
“For the meantime, sa mga kababayan natin sa lungsod, nananawagan tayo na ‘wag munang magdadala ng mga pasyente or mga mahal sa buhay simula July 31 hanggang August 9, except
matters that involve life and death situation,” sabi pa ng alkalde.
Lahat ng serbisyo ng Ospital ng Maynila ay suspendido maliban sa mga laboratory operations (daily swabbing at IgG Serology), radiology, animal bite treatment center ( follow-up lamang), extreme emergency at telemedicine.
Tuloy naman ang serbisyo sa mga pasyenteng naka-confine sa nasabing pagamutan. (RENE CRISOSTOMO)
185
