LAHAT ng sektor sa ating lipunan ang nasagasaan ng pandemya sa covid-19 kasama na ang edukasyon ng mga kabataang Filipino. Hindi lang pala, mga Filipino kundi maging ang mga kabataan sa buong mundo.
Medyo nakakabahala lang ang report ng Department of Education (DepEd) na 27% lang sa mga estudyante sa mga pribadong paaralan ang nakapag-enroll ngayong School Year (SY) 2020-2021.
Kung totoo yan, maraming private schools ang mapipilitang magsara at walang ibang pupuntahan ang mga e studyanteng ito kundi sa mga public schools na umaapaw na sa dami ng mga estudyante.
Hindi kakayanin ng gobyerno na ma-accomodate ang mga estudyanteng ito mula sa mga pribadong eskuwelahan kapag naglipatan ang mga ito sa mga public schools dahil limitado ang mga silid aralan at mga guro na magtuturo sa kanila.
Kung noong bago manalasa ang covid-19 ay sumasakit na ang ulo ng DepEd dahil hindi nila alam kung papano isiksik sa isang silid aralan ang 50 estudyante sa isang klase, paano na lang kung madadagdagan pa ang bilang ng mga ito kung maglipatan na talaga sa mga public schools ang mga galing sa mga private schools?
Tiyak din na mahihirapan ang mga public school teachers kapag nadagdagan pa ang bilang ng mga estudyanteng tuturuan nila? Ang hirap kayang magturo ng napakarami.
Kaya may mga magulang na pinipilit na pag-aralin sa private schools ang kanilang mga anak para matuto ng maayos ang mga bata dahil alam nilang mahirap ang sitwasyon sa public schools.
Hindi ba may rehiyon sa ating bansa na hindi nakakabasa ng maayos ang mga estudyante? Hindi ko masisisi ang mga guro nila dahil papaano mo matutukan ang 50 bata sa isang oras na klase.
Ito ang dahilan kaya may mga magulang na kahit masyadong mahal at pamahal ng pamahal ang tuition fees sa mga private school ay doon nila dinadala ang kanilang mga anak para matututo ng husto.
Pero dahil sa pinagdadaan ngayon ng bansa, hindi lang ang mga mahihirap ang naapektuhan kundi maging ang mga middle class na siyang suki ng mga private schools, marami na sa kanila ang hindi na in-enroll ang kanilang mga anak.
Lahat ng tao, kahit siguro yung mga malalaking ne gosyante ay nawalan ng malaking kita dahil sa pandemyang ito na hindi pa natin alam kung hanggang kailan mananatili sa mundong ito.
Malamang din ay lolobo ang mga out of school youth ngayong school year lalo na sa college level dahil nawalan ng income ang kanilang magulang dahil sa pandemyang ito.
Tiyak na hindi muna sila mag-aaral at bigyan muna nila ng pagkakataon ang kanilang magulang na makabawi dahil kung ipipilit nila ang pag-aaral ay lalo lang maghihirap ang kanilang pamilya.
Alam nilang mahalaga ang edukasyon pero uunahin pa ba nila ito kesa sa kanilang sikmura sa panahon ngayon? Walang magulang na ayaw na ang kanilang mga anak ay makapagtapos sa pag-aaral pero may mga pagkakataon na hindi maiiwasan tulad nitong krisis na pinagdadanan natin ngayon.
