OWWA NAWALAN NG 60% PONDO

UMABOT sa 60 porsiyento ng kabuuang pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong 2020 ang nawala dahil napakaraming manggagawa sa ibayong dagat ang nawalan ng trabaho at hindi nakabalik sa ibang dahil sa atake ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa ekonomiya ng buong daigdig.

Inamin ito ni OWWA Administrator Hans Cacdac sa online press briefing, ngunit hindi niya inilabas ang aktuwal na perang hindi pumasok sa OWWA.

Nakasaad sa rekord ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), halos 1.4 milyon lamang ang OFWs na nagkaroon ng trabaho noong 2020 kumpara sa mahigit dalawang milyon noong 2019.

Sa kasalukuyan ay mayroon pang P18.4 bilyong pondo ang ahensiya.

Bago umatake ang COVID-19 sa bansa, nabunyag sa media na mahigit P20 bilyon ang pera ng OWWA.

Bumaba ito sa P18 bilyon dahil naglabas ang OWWA ng pondo na ipinang-ayuda sa mga bumalik sa bansa na OFWs, binayaran ang kanilang napakatagal na kuwarantina sa mga mamahaling hotel sa Metro Manila, pondo sa mga proyektong pangkabuhayan sa OFWs, college scholarship ng mga anak ng mga naturang manggagawa at iba pa.

Inamin ni Cacdac na sa kabila ng 60 porsiyentong bawas sa perang ipinasok ng OFWs, nanatiling “matatag” ang pondo ng OWWA dahil nagbigay ang pambansang pamahalaan ng P5.2 bilyong noong 2020 at P6.2 bilyon para ngayong 2021. (NELSON S. BADILLA)

338

Related posts

Leave a Comment