Sa pinatinding pagsisikap na masugpo ang ilegal at smuggled medicines, nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng Manila International Container Port (MICP), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI) ang Chinese medicines sa Pasay City noong Enero 14, 2021.
Armado ng Letter of Authority (LOA), ang mga miyembro ng pinagsamang na team nang magtungo sa storage facility na matatagpuan sa Pasay City.
Sa pagsisilbi nila ng LOA, ang team ay nagsagawa ng inspeksyon sa nasabing pasililadad at natuklasan nilang may kasalukuyang makeshift clinic, maging ibat-ibang Chinese medicines.
Isa sa mga nahuling mga gamot ay nakilala bilang RIBAVIRIN na umano’y para sa paggamot ng pneumonia at bronchitis, na pinaghihinalaang ginagamit sa paggamot na may kaugnayan sa kaso ng COVID.
Ang nasabing mga gamot ay tinatayang may halagang Php 1.5 milyong.
Ang mga gamot na nasabat ay kasalukuyang isinasailalim sa kaukulang imbentaryo at imbestigasyon para sa paglabag sa Section 1113 ng R.A. 10863 o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Kasalukuyan din isinasagawa ang imbestigasyon para matukoy ang responsable sa pagpapatakbo ng makeshift clinic.
Kaugnay nito, ang Bureau of Customs ay nagbabala laban sa paggamit ng mga gamot na walang kaukulang permit/clearances mula sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA).
Dahil dito, ang Bureau ay umapela sa publiko na ‘wag tangkilikin ang pagpapagamot mula sa fly-by-night clinics na maaaring lalo pang malagay sa alanganin ang kanilang kalusugan.
Nagpaalala rin ang BOC na kung makaramdam sila ng sintomas ng COVID-19 ay agad silang makipag-ugnayan sa tamang ahensiya ng pamahalaan para sa nararapat na gamutan at para mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Bilang panimula ng bansa mula sa pagrekober mula sa nakamamatay na pandemic, ang Bureau of Customs sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero ay nananatili sa pag-iingat mula sa pagpasok at paglaganap ng smuggled at illegal medicines sa bansa.(Joel O. Amongo)
