TUMATAGINTING na P1.5-bilyong halaga ng iba’t ibang kalakal ang sinamsam ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) makaraang salakayin ang isang dambuhalang bodega sa Lungsod ng Valenzuela kamakailan.
Sa bisa ng isang Letter of Authority na pirmado ng pamunuan ng kawanihan, kinumpiska ang samu’t saring kalakal kabilang ang mga kasuotan at cosmetic products, lotion, sabon at iba pang kargado ng mga mamahaling tatak tulad ng Christian Dior, Gucci, Michael Kors, Coach, Guess, Nike, Adidas, Hello Kitty, Jordan, Cetaphil, Safeguard, Nivea, Johnson and Johnson at iba pa.
Kabilang din sa naembargo ng mga operatiba ang mga imported na construction materials, housewares, kitchenware, household appliances at mga consumer electronics lighting products.
Sa mga nakalipas na buwan, makailang ulit na rin sinalakay ang iba pang mga bodega sa nasabing lungsod na pinaniniwalaang pinag-iimbakan ng mga kalakal na iligal na
ipinasok sa bansa.
Nahaharap naman sa patong-patong na kasong paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang may-ari ng bodega at nasamsam na kontrabando.
