PULPOL kang mag-isip kung hindi ka naniniwalang lugmok ang industriya ng turismo ng ating bansa.
Ang problema, hindi makatutulong ang ideya ni Tourism Secretary Berna Romulo Puyat upang ibangon ang industriya.
Ito’y dahil mas pinaboran na ngayon ni Puyat ang pananaw ni Tourism Congress of the Philippines (TCP) president Jose Clemente III na bigyan ng direktang ayuda, o “dole out,” ang mga pribadong kumpanya sa industriya ng turismo, samantalang tahasang labag ito sa batas.
Ang Senado ay naglagay ng P10 bilyon sa panukalang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) bilang pautang sa industriya ng turismo.
Ang Kamara de Representantes ay sa mga proyektong imprastraktura ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority’s (TIEZA) inilagay ang P10 bilyon.
Pabor si Clemente sa aksyon ng Senado kaysa sa Kamara.
Mas okay kay Puyat ang posisyon ni Clemente.
Nang sabihin ni Clemente na dapat daw ibalik ng Kamara ang inilagay na P10 bilyon ng Senado sa panukalang Bayanihan to Recover As One Act na pautang at tulong sa sektor ng turismo, sa halip na ilaan ito sa imprastraktura ng turismo ay ito rin ang paninindigan ni Puyat.
Sa madaling salita, kung ano ang gusto ni Clemente ay siya na ring pananaw ni Puyat.
Ang suporta para sa turismo ay nakapaloob sa P51 bilyon na ipapasok na kapital sa government financial institutions (GFIs) para maipautang sa iba’t ibang negosyong napeste ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), kasama na ang industriya ng turismo.
Naniniwala akong ito ang tama at legal na paraan upang matulungan ang mga pribadong negosyo sa sektor ng turismo.
Wala sa hulog ang isinusulong nina Puyat at Clemente na programa raw ng Department of Tourism (DOT) na ang layunin ay pondohan ang mga negosyo sa industriya ng turismo.
Sabi nga ni Deputy Speaker LRay Villafuerte, bawal ang pagbibigay ng dole out sa mga pribadong kumpanya na siyang gustong mangyari nina Puyat at Clemente sa paglalaan ng P9.5 bilyon bilang
pondo para matulungan ang mga negosyong tulad ng hotels, resorts at travel agencies gaya ng Rajah Tours na pag-aari ni Clemente.
Para maging maayos at matulungan ang mga karapat-dapat, ang tamang proseso ay padaanin ang pagbibigay ng mga pautang sa industriya ng turismo sa mga GFIs tulad ng Land Bank of the
Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
Sa totoo lang, ang mga bangko ang higit na nakakaalam kung sino ba ang dapat tulungan, magkano ang dapat ipautang at paano ito mababayaran.
Walang kakayahan ang DOT na gawin ito dahil hindi naman nila trabaho ang magpautang.
Kaya, nakapagtataka kung bakit mukhang atat na atat si Puyat na makuha ng DOT ang P9.5 bilyon, kasama na ang natitirang P500 milyon para raw sa “support program” sa industriya ng turismo.
Nakakapagtaka rin kung bakit biglang kinampihan ni Puyat ang posisyon ni Clemente na hindi na raw kailangan ng industriya ng turismo ngayon ang imprastraktura, gayong nito lamang Marso
ay ipinagmamalaki ni Puyat na may P14 bilyon ang TIEZA para sa mga proyektong imprastraktura nito na siyang makatutulong para maiahon ang sektor ng turismo mula sa krisis na ipinanganak ng COVID -19.
Lumilitaw na nakalimutan na ni Puyat na may inilunsad na “Build, Build, Build” infrastructure program si Pangulong Rodrigo Duterte at ipinagpatuloy pa rin ito kahit sa gitna ng pandemya dahil ang imprastraktura ang makakalikha ng maraming trabaho para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, kabilang ang mga nawalan ng trabaho sa industriya ng turismo.
Ang programang imprastraktura nga mismo ang bubuhay sa ekonomiya at magsasalba sa maraming sektor, kasama na ang turismo.
Ano kaya ang nakapagkumbinsi kay Puyat na bumaligtad?
Napag-aralan ba niyang mabuti ang Tourism Response and Recovery Program (TRRP) habang nagpapapictorial siya, o nagpopost sa Facebook, ng mga magagarang damit niya?
123
