HAWAK ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isang babaeng Malaysian national na nasabat dahil sa bitbit nitong 15 kilo ng hinihinalang shabu na nakatago sa chopping boards makaraang madiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), PDEA at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Ayon sa report, ang tinatayang P102 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu na itinago sa mga sangkalan o chopping board, ay nasamsam sa ikinasang anti-narcotics operation sa NAIA Terminal 1.
Bunsod nito, inaresto ang isang pasaherong Malaysian na sinasabing may bitbit ng droga.
Base sa report na ipinarating sa tanggapan nina BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at Undersecretary Isagani Nerez, PDEA Director General, ang pasahero na dumating mula Malaysia, ay na-flag matapos makita ang kahina-hinalang imahe sa x-ray screening ng kanyang bagahe.
Isinailalim ito sa 100% physical examination na nagresulta sa pagkakadiskubre ng humigit-kumulang 15,024 gramo ng shabu na nakatago sa dalawang kahon na idineklarang chopping boards, na may tinatayang halagang P102,163,200.
Agad inaresto ang pasahero at isinailalim sa kustodiya ng PDEA kasama ang nakumpiskang droga para sa inquest proceedings.
Ihahain ng ahensiya sa suspek ang mga kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Pinagtibay ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang mas pinaigting na border protection efforts ng Bureau alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at binigyang-diin ang matibay na paninindigan ng ahensya na pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Samantala, pinuri ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa ang pagiging mapagmatyag at propesyonalismo ng mga tauhan ng BOC-NAIA at mga katuwang na ahensya, at binigyang-diin ang kahalagahan ng koordinadong pagpapatupad upang matukoy ang mga sopistikadong paraan ng pagtatago ng kontrabando.
(JESSE RUIZ)
67 