RAPIDO NI TULFO
HINDI fake news ang naisulat namin sa aming Facebook page (Rapido Ni Patrick Tulfo) na naglaan ang Department of Migrant Workers (DMW) ng tig-P10K sa bawat OFW na biktima ng pang-iiskam ng mga cargo company sa bansang Kuwait.
Sa panayam ng inyong lingkod kay DMW Sec. Hans Cacdac nito lang Dec. 26, 2024, sinabi nya na bilang tulong ng ahensya sa mga nabiktima ng scam ay magbibigay sila ng P10K.
Bahagya lamang naging magulo ang implementasyon nito dahil mukhang hindi ito napag-usapan ng iba pang mga tauhan ng DMW. Nagmukha tuloy “fake news” ang aming isinulat dahil tila walang alam dito ang ilang mga tauhan ng DMW. Kinailangan pa naming tawagan ang mga tauhang nakausap ng mga OFW na nagpunta sa ahensya upang sabihin na mismong si Sec. Cacdac ang nagsabi nito.
Sa aming programa noong Miyerkoles, live sa DZME 1530khx (10:30am-12nn), pinaunlakan kami ng isang OFW na makausap siya sa programa upang ikwento ang naging proseso ng pag-file n’ya ng financial assistance mula sa DMW.
Malaki ang pasasalamat ng mga OFW sa ginawang ito ng DMW, pero sa aking banda, napaisip lamang ang inyong lingkod. Ito bang P10K ay bahagi ng P5 milyon na inilaang pondo ng OWWA para mai-deliver ang mga bagahe ng mga OFW?
Matatandaang tumagal ang proseso ng pagpapalabas sa Bureau of Customs ng mga abandonadong balikbayan box dahil kailangang i-donate ng BOC sa DMW ang mga ito para makuha ng mga may-ari. Dumaan din umano sa Department of Finance ang papel dahil maglalabas ng P5 milyong pondo para rito.
Nagkaroon na ng pag-uusap noong nakaraan ang DMW at DDCAP (Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines) upang mai-deliver ang mga bagahe at para makatipid sa pagbabayad ng warehouse.
Ayokong pangunahan ang DMW at BOC, pero sa kasalukuyang nangyayari, mukhang mauulit na naman ang dating set up ng BOC na pick-up system ng mga abandonadong balikbayan box.
Bakit ko ba iminumungkahi (nang paulit-ulit) sa BOC at DMW ang delivery? Ito ay base sa aming nasaksihang pangyayari, 3 taon na ang nakalipas noong hinawakan namin ang reklamo sa ALLWIN cargo, CMG, Kabayan Express at iba pang cargo company mula sa UAE.
Panahon pa noon ni dating Director at ngayo’y Acting Deputy Commissioner ng BOC na si Michael Fermin nang ibigay sa Association of Bidders Bureau at the Bureau of Customs (ABBC), sa pangunguna ni Robert Uy, ang mga abandonadong balikbayan box. Dahil dito, maraming mga may-ari ng kahon ang hindi na nakuha ang kanilang mga kahon. Ang ibang mga bagahe ay nawala habang ang iba ay hindi mapuntahan ng may-ari sa warehouse ng ABBC sa Balagtas, Bulacan.
Tila double whammy ang nangyari noon para sa mga OFW.
Ang mga unang batch ng mga abandonadong balikbayan box ay ibinigay ng BOC sa DDCAP kung saan halos lahat ay nai-deliver, maliban lang sa mga address na hindi mahanap.
Kaya hindi ko maintindihan sakaling pick-up system na naman ang gagawin kung ilalagay na naman ito sa isang warehouse.
Handa naman ang DDCAP na i-deliver ang balikbayan boxes sa maliit na halagang hinihingi nila bilang pang-gas ng mga delivery truck at magagamit din ang kanilang mga warehouse. Kaya wala akong makitang abala sa BOC at DMW bakit tila nagdadalawang-isip silang kunin ang DDCAP.
13