P13-M MARIJUANA NASABAT, 7 ARESTADO

KALINGA – Nasabat ng mga awtoridad ang P13 milyong halaga ng dried marijuana, marijuana oil at hashish sa Tabuk City sa lalawigang ito, noong nakalipas na linggo.

Ayon kay P/Col. Davy Vicente Limmong, provincial director ng Kalinga Police, nakatanggap sila ng impormasyon na may ibababang marijuana mula sa bayan ng Tinglayan kaya agad silang nagsagawa ng pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency at mabilis na nagsagawa ng checkpoint kung saan naharang sa Barangay Bantay ang isang itim na van.

“Nung napahinto namin ‘yung identified na sasakyan, ay agad naman nandun ‘yung K9 dog na ginamit natin for inspection. Nag-positive ‘yung reaction niya kaya nag-conduct tayo ng search with the presence of witnesses,” ani Limmong.

Sa impormasyong isinumite ni PDEA Kalinga, sa ilalim ng pamumuno ni IAIII Rhodelia Macad, isa ito sa pinakamalaking bulto ng marijuana na kanilang nasabat.

Nadakip sa nasabing operasyon sina Benedict Camia mula Imus, Cavite; Augusto Galicia ng Antipolo City; Wenceslao Galicia, at Aduardo Patega mula Makati City.

Sa imbestigasyon ay napag-alaman na may mga kasama pa ang nahuling mga suspek.

“Dalawa ang sasakyan na gamit nila. ‘Yong isa ang nagpick-up ng kontrabando dun sa Tinglayan at itong nahuli namin ay sumalubong para i-transfer. So, na-transfer na nila ito along the road. Ito ang technique nila para ‘yung nakuha ng tipster namin dun sa una ay kapag dumaan, walang laman,” ani Limmong.

Natimbre sa mga himpilan ng pulisya sa kalapit na bayan at probinsya ang tungkol sa nakatakas na kasamahan ng mga suspek.

Sa hot pursuit operation, natunton sa isang gasolinahan sa Brgy. Arellano, Quezon, Isabela ang Toyota Innova (NGF 5992) lulan ang tatlong lalaki kabilang ang isang menor de edad.

Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong malalaking pakete na naglalaman ng marijuana, walong sachet ng marijuana, dalawang tubular form ng marijuana, isang botelya ng cannabis oil at isang hashish marijuana in brick form.

Nakuha rin sa kanilang pag-iingat ang isang improvised shotgun, dalawang bala ng 12-gauge shotgun at dalawang cellphone.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek. (JESSE KABEL)

279

Related posts

Leave a Comment