LAGUNA – Umabot sa P140,000 halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang hinihinalang drug pusher sa Sta. Cruz, Laguna noong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ng Laguna PNP ang suspek na si Leovigildo Abustan, 36, residente ng Barangay Biñan sa bayan ng Pagsanjan.
Isinagawa ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Santa Cruz PNP at PDEA Laguna ang buy-bust operation laban sa suspek dakong alas-1:15 ng madaling araw sa Sitio Maligaya, Brgy. Pagsawitan, Santa Cruz.
Nakabili umano ang isang pulis na umaktong poseur buyer, ng isang sachet ng shabu sa suspek na nakumpiskahan pa ng 10 sachet ng ilegal na droga na 20.58 grams ang timbang at tinatayang P140,000 ang street value.
Nakakulong na ang suspek sa Santa Cruz Municipal Police Station at sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (NILOU DEL CARMEN)
