INABANGAN ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency ang taong kukuha sa Central Post Office sa Quezon City ng tatlong kahon na nadiskubreng naglalaman ng libo-libong ecstasy tablets na P15.71 milyon ang halaga at nagmula sa The Netherlands.
Ayon kay PDEA Director Derick Carreon, positibo ang kanilang controlled delivery operation para sa nadiskubreng puslit na ecstasy tablets at nagresulta sa pagkakaaresto kina Rowena Evangelio, 40-anyos, residente sa B2, L6, Cotton Hills, Subd. Bagumbayan, Teresa, Rizal, tumatayong kinatawan ng consignee na si Glorie Joy Buzeta, ng West Kamias, Quezon City; at ang rider na si Michael de Guzman, 36, ng #4681 Pipino Ext., Napico, Pasig City.
Nabatid kay Director Carreon, tagapagsalita ng PDEA, idineklarang baby clothes, handbag at sapatos ang laman ng tatlong kahon na ipinadala ng isang Abner Buzeta mula sa Amsterdam.
Ngunit nang busisiin ay nadiskubreng naglalaman ng 9,243 ecstasy tablets na mahigit P15 milyon ang street value.
Iniimbestigahan pa kung may kinalaman talaga sina Evangelio at De Guzman sa drug shipment.
Pinangunahan ang operasyon ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADTG), Philippine Drug Enforcement Agency, NAIA-APD; PNP-DEG, BOC-OTS, PDEA Regional Office-NCR at Quezon City District Office. (JESSE KABEL)
162
