UMABOT sa P15,572,000 halaga ng party drugs o ecstasy tablets mula sa The Netherlands ang nasabat ng Bureau of Customs Port of NAIA, at NAIA PDEA sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City nitong Huwebes ng umaga.
Ayon sa inisyal na report ng NAIA Inter Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG), dumating ang tatlong parcel sa bansa na idineklarang mga regalo.
Natuklasan din ng Customs Examiner at ng PDEA na ang laman nito na 7 lady handbags na may 16 improvised pouches ay mayroong nakalagay na 9,169 ecstasy tablets, nang dumaan sa x-ray at physical examination.
Naka-consigne ang naturang party drugs sa isang nagngangalang Nikki Deximo ng Tierra Bonita 1 sa Dasmariñas, Cavite.
Nai-turnover na ng Customs ang naturang party drugs sa PDEA para sa karagdagang imbestigasyon. (DAVE MEDINA)
