P162.2M HIGH GRADE MARIJUANA NASAMSAM

NASA 98 kilo ng high grade marijuana o kush ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nitong Huwebes kasunod ng inilunsad na “board, inspection and search” operation sa Subic Bay Yacht Club.

Ayon sa ulat, tinatayang nagkakahalaga ng P162.2 million ang nasamsam na kush matapos ang isinagawang board, search and inspection operation ng Bureau of Customs sa pamamagitan ng Port of Subic, kasama ang iba pang law enforcement agencies.

Sa ibinahaging report ng BOC, at maging ng Philippine Coast Guard, nadiskubre ang 98.332 kilograms ng marijuana, na kilala sa tawag na kush, mula sa isang distressed sailing yacht na nag-dock sa Subic Bay Yacht Club (SBYC) sa loob ng Subic Bay Freeport noong Miyerkoles ng gabi.

Ang ipinagbabawal na droga ay nadiskubre na nakatago sa loob ng Sailing Yacht (SY) “Lindsy” habang nagsasagawa ng boarding and inspection operation ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC) at Philippine Coast Guard.

Nabatid na nakatanggap ang mga awtoridad ng tip noong Setyembre 1 hinggil sa ilegal na kontrabando nang madiskubre ng mga mekaniko na nagkukumpuni ng generator at makina ng yate, ang isang hidden compartment na pinagtataguan ng hinihinalang droga, ayon sa PCG Intelligence Unit (CGIU) sa Zambales.

“This seizure demonstrates the BOC’s continued vigilance in protecting our borders from dangerous drugs. Pinatutunayan nito na sa mabilis at intelligence-driven na operasyon, napipigilan natin ang pagpasok ng mga illegal at mapanganib na kontrabando sa bansa. We commend the Port of Subic and our partner agencies for their swift action,” pahayag ni Custom Commissioner Ariel F. Nepomuceno.

Nabatid na dumating ang yate sa SBYC noong Agosto 28 mula Thailand at patungo sana ng Taiwan nang magkaroon ng engine trouble ang yate.

Noong Miyerkoles, nagsagawa ng covert operation ang CGIU Zambales at Coast Guard Substation Olongapo para sa verification ng nasabing yate habang ang PDEA at BOC personnel ay naghahanda para sa isasagawang boarding and inspection.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang PDEA hinggil sa droga na hawak nila ngayon at para sa pagkakakilanlan ng may-ari ng yate at kanilang mga kontak sa Pilipinas.

Hanggang nitong Huwebes ng umaga ay patuloy na nagsasagawa ng imbentaryo ang BOC at ang anti-narcotics bureau ng bansa.

(JESSE RUIZ)

63

Related posts

Leave a Comment