ISANG araw bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibigay ang P500 buwanang ayuda sa bawat pamilyang Pilipino.
Nakarating sa Kamara, isang milyong pamilyang Pilipino ang unang nakatanggap ng P1,500 ayuda kahapon para sa tatlong buwan na ipinangako ni Duterte o para sa buwan ng Abril hanggang Hunyo.
Ipinangako ni Duterte ang nasabing ayuda bilang kapalit ng pag-atras ng Kongreso na suspendehin ang mga buwis na kinokolekta sa mga produktong petrolyo habang lumulobo ang halaga nito sa world market dahil sa giyera sa Ukraine.
Samantala, hindi nabigo ang solo parents sa kanilang kahilingan ng tulungan sila ng estado matapos maging batas ang Expanded Solo Parents Act o Republic Act (RA) 11861.
Ganito inilarawan ng isang mambabatas sa Kamara ang nasabing batas na nilagdaan ni Duterte kaya makatatanggap na ng P1,000 cash aid ang mga magulang na nag-iisang nagtataguyod sa kanilang mga anak, kada buwan.
“We congratulate all solo parents, especially struggling mothers, over this legislative victory!” deklara ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas. (BERNARD TAGUINOD)
