“MALINAW na panlilinlang ito para manalo ang mga manok ni (Pangulong Ferdinand “Bongbong”) Marcos Jr. sa eleksyon at isalba ang papabagsak niyang approval rating dahil nga puro krisis lang naman ang nararanasan ng taumbayan sa kanyang rehimen”.
Reaksyon ito ni Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas at secretary general ng Amihan sa bigas na ibebenta ng gobyernong Marcos simula ngayong May 1, sa Cebu sa halagang P20 kada kilo.
Hindi lingid sa lahat na patuloy ang pagbaba ng approval at trust rating ni Marcos dahil marami ang naghihirap at nagugutom dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin lalo na ang bigas at serbisyo publiko.
Ayon kay Estavillo, matagal nang nananawagan ng murang bigas ang mga Pilipino at pwedeng matupad ito kung nakikinig lang si Marcos sa mga magsasaka na ibasura na ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Liberalization Law.
“Kinukondena namin ang Bigas 20 dahil tinatratong pulubi at patay-gutom ni Marcos ang mamamayan, na para magpatuloy ang murang bigas ay iboto ang mga manok nito sa kongreso at iba pang posisyon,” ayon pa kay Estavillo.
Pang-iinsulto din umano ito sa taumbayan at walang pinagkaiba sa vote buying dahil itinaon ang pagbebenta ng murang bigas, 11 araw bago ang halalan sa Mayo 12 ngayong taon.
Naniniwala si Estavillo na hangga’t hindi sinusuportahan ng gobyerno ang mga magsasaka at inaasa lang ang pagkain ng mga Pilipino sa ibang bansa ay lalala pa ang kahirapan at kagutuman na hindi kayang takpan ng iba’t ibang gimik.
“Simula nang maupo siya pabor sa malalaking traders at kartel ng bigas ang kanyang mga programa. Ibig sabihin, sa dinami-dami ng mga pakulo niya nitong nakaraan ay puro palpak kagaya ng Food Security Emergency Declaration, Maximum Suggested Retail Price, Nutri-Rice, Sulit-Rice, at iba pa,” pahayag pa ni Estavillo.
(PRIMITIVO MAKILING)
