AGARANG nagpalabas ng reward money sina Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi at Congressman Ruffy Biazon sa sinumang magkapagtuturo sa suspek, kasunod ng pataksil na pagpaslang sa isang traffic enforcer supervisor, alas-7:30 ng gabi noong Martes sa national highway.
Ayon sa ulat, binaril ang traffic enforcer supervisor na si Daniel Manalo, residente ng NBP Reservation, Brgy. Poblacion, Muntinlupa City, ng hindi kilalang suspek sa National Road, Brgy. Tunasan, Muntinlupa City.
Sa impormasyong nakuha kay Tez Navarro, City PIO, halagang P200,000 ang magkatuwang na ipinondo nina Mayor Jimmy Fresnedi at Cong. Biazon para sa agarang pagdarakip sa suspek na pumatay kay Manalo na supervisor ng Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB).
Sa pangunang report ng Muntinlupa Police Sub-station 1, may kausap ang biktima sa kanyang cellphone nang biglang sumulpot ang suspek sa kanyang likuran, saka binaril sa ulo si Manalo dahilan ng agaran nitong pagkamatay. (DAVE MEDINA)
