P249.8-M damage AGATON DEATH TOLL: 172

patay

HABANG nagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ang halos buong sambayanang Filipino ay nagluluksa naman ngayon ang pamilya ng 172 kataong namatay, bukod pa sa 110 kataong sinasabing nawawala bunsod ng pananalasa ng tropical depression Agaton sa Visayan Region at ilang bahagi ng Mindanao.

Sa inilabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo ng umaga, nasa 172 ang bilang ng reported death. Habang umakyat naman sa P249,826,730.06 ang tinatayang danyos sa mga pananim at agrikultura,

Base sa kanilang 8:00 am situational report, sinabi ng NDRRMC, 156 sa mga namatay ay sa Eastern Visayas, habang 11 naman sa Western Visayas, tatlo sa Davao Region, at dalawa naman ang reported death sa Central Visayas.

Subalit sa sinasabing reported death toll ay 12 pa lang dito ang naba-validate ng NDRRMC, 11 rito ay mula sa Western Visayas at isa naman ang sa Eastern Visayas.

Mayroon namang 110 iba pang mga indibidwal na iniulat na nawawala, kabilang ang 104 na mula sa Eastern Visayas, lima mula sa Western Visayas, at isa naman ang mula sa Davao Region.

Sa 110 reported missing, ay anim pa lamang ang kumpirmado ng NDRRMC, lima ang mula sa Western Visayas at isa naman sa Davao Region.

Samantala, ang halaga ng pinsalang iniwan ng naturang bagyo sa sektor ng agrikultura ay pumalo sa P249,826,730.06 sa Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Bangsamoro.

Ang halagang ito ay mas mababa kung ikukumpara sa P703.3 million agricultural damage na iniulat naman ng Department of Agriculture noong Sabado.

Umabot naman sa P6,950,000 ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura. Hindi madaanan noong mga nakaraan araw ang nasa 69 na kalsada at siyam na tulay sa Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, at Caraga.

Sa mga tirahang nawasak, sinasabing umabot sa 10,393 bahay ang napinsala ng dahil sa bagyo.

Sa kabilang dako, sinabi ng ahensya na kabuuang 2,015,643 katao o katumbas ng 583,994 pamilya ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Agaton sa 2,419 barangay sa Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro. (JESSE KABEL)

126

Related posts

Leave a Comment