P27-B KADA TAON NAWAWALA SA GOV’T SA BOC CORRUPTION?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAPAGTAKPAN kaya ng papuri ni House Speaker Martin Romualdez ang hindi mawala-walang isyu na “tara system” sa Bureau of Customs (BOC)?

Pinuri ni Speaker Romualdez ang Customs sa pagkakasabat sa P85.1 bilyong halaga ng mga kontrabando at isinagawang matagumpay na mahigit sa 2,100 anti-smuggling operations noong 2024.

Sa isinagawang pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kamakailan, inamin mismo ng dating BOC Commissioners na sina Isidro Lapena at Nicanor Faeldon na sa panahon nila ay may “tara” sa BOC.

Maging sina Mark Taguba, Customs Broker at dating BOC Intelligence Officer Jimmy Guban ay umamin din na may “tara” na nagkakahalaga ng P10K sa bawat container sa Customs.

Naitanong pa ni Antipolo City Congressman Romeo Acop kay dating Comm. Faeldon kung magkano ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa lagayan na ‘yan.

Aniya, sa 2,500 containers kada araw na pumapasok sa bakuran ng Aduana o Bureau of Customs, ay umaabot sa P27 bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan. Ganoon kalaking halaga ang naibubulsa ng mga tiwaling empleyado at opisyal kada taon.

Ang halagang ito na nawawala sa gobyerno ay kinumpirma rin ni dating Commissioner Isidro Lapena

Grabe, may ganoon kalaking pera riyan sa Customs, kaya tinawag nila itong “juicy position.”

Sa paulit-ulit na mga tanong mula sa mga kongresista sa isinagawang pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ay paulit-ulit din na inamin nina Lapena at Faeldon ang pagkakaroon ng “tara” sa opisinang ito.

Sa kabila ng pag-amin na ito ng dalawang magigiting na mga opisyal ay todo tanggi naman itong si BOC Legal Director Atty. Tristan Langcay na may “tara” sa Customs.

Sino kaya ang nagsasabi ng totoo, sina Lapena, Faeldon, Taguba at Guban ba o si Langcay?

Si Langcay ay matagal nang nanunungkulan sa Customs, ano kaya ang nagpapabulag, nagpapabingi at nagpapapipi sa kanya?

Sinabihan niya (Langcay) pa si Taguba na kung may nalalaman ito na tumatanggap ng “tara” sa Customs ay tukuyin niya at ireklamo para makasuhan nila.

Ilalagay mo pa sa alanganin ang nagnenegosyo sa Customs sa ganyang style mo.

Kaya sinabi ni Taguba na wala silang magagawa kundi sumunod sa agos dahil ‘pag hindi nila ginawa ang pagbibigay ng “tara” ay mapeperwisyo ang kanilang negosyo.

Kapag hindi sumunod sa SOP ang mga nagnenegosyo sa BOC ay malalagay sa alanganin ang kanilang hanapbuhay at posible pang maalis ang kanilang akreditasyon sa Customs, ganyan kalupit ang ahensiyang ito ng gobyerno, sinasakal nila ang mga negosyante para mapilitang maglagay.

Kaya minsan hindi natin maiwasang mag-isip na ang sunod-sunod na pagpatay kamakailan sa mga opisyal ng Customs ay may kaugnayan sa korupsyon sa opisinang ito.

Kaya maraming nagsasabi na kung pinupuri ni Speaker Romualdez ang positibong operasyon ng Customs, paano naman daw ang isyung “tara”, pababayaan na lang ba niya ito?

Ang P27 bilyong halagang ito na nawawala sa kaban ng bayan kada taon dahil sa “tara”, ay babalewalain na lang niya?

At sa laki ng halaga ng pera na ‘yan, imposibleng hindi nakararating ‘yan sa BOC chief at Legal Service.

Kung gusto ng gobyernong ito na mawala ang korupsyon diyan sa Customs, gumawa kayo ng matibay na aksyon, hindi puro dahilan at ‘wag niyo ilihis ang isyu.

Pinupuri n’yo ang operasyon ng Customs dahil naabot ang target nila, eh anong gagawin n’yo sa isyu ng “tara”?

Kung gugustuhin niyo talaga na matukoy kung saan napupunta ang “tara” na P10K kada container, maging makatotohanan kayo sa inyong pag-iimbestiga, hindi hukos-pukos ang inyong gagawin.

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

30

Related posts

Leave a Comment