3 CHINESE ARESTADO, 23 PINOY WORKERS NASAGIP SA POGO

LAGUNA – Tatlong Chinese nationals ang naaresto at 23 Pilipinong manggagawa ang nasagip sa isinagawang raid sa isang hinihinalang ilegal na POGO sa Sitio Ilaya, Brgy. Lamesa, Calamba City noong Biyernes.

Ayon sa ulat ng Calamba City Police Station, bandang alas-9:00 ng umaga nang isagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng CIDG RFU 4A, Laguna PPO, RIU4A, RID4A, Calamba Police, Bureau of Immigration (BI), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), OCC-Cyber Crime Unit, DOJ, at LGU ng Calamba City, Laguna.

Ang operasyon ay base sa impormasyon mula sa mga opisyal ng Brgy. Lamesa at mission order mula sa Bureau of Immigration.

Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakadakip kina Lou Wenguang na siyang subject ng mission order; Weng, at Yuan, pawang Chinese nationals.

Nailigtas naman ang 23 Pilipinong nagtatrabaho sa nasabing opisina ng Beaut Technologies Corp.

Sa beripikasyon sa BPLO, Calamba City, natuklasan na ang Beauty Technologies Corp. ay walang business permit at anomang legal na papeles para mag-operate sa Calamba City, Laguna.

Nakipagtalo pa ang manager at mga Chinese sa mga awtoridad at iginiit na hindi sila POGO kundi isang telecommunications installation company.

Kabilang ang tatlong Chinese sa mga dayuhang kanilang binabantayan na walang kaukulang dokumento.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng PAOCC ang mga dayuhang suspek at ililipat sa kustodiya ng BI habang isinasagawa ang proseso ng deportasyon.

Mag-a-apply pa rin ng panibagong warrant para maisalang sa forensic examination ang mga computer sa ni-raid na opisina para matukoy ang sinasabing operasyon ng tatlong naarestong Chinese. (NILOU DEL CARMEN)

27

Related posts

Leave a Comment