NASABAT ng pinagsanib na operatiba ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine National Police (PNP) ang tinatayang P278 milyong halaga ng shabu sa Manila International Container Port (MICP) sa North Harbor, Maynila.
Ayon kina BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at PDEA Director General Usec. Isagani Nerez, nasa 41 kilo ng crystal meth ang nakumpiska sa operasyon, na itinuturing na isa sa pinakamalaking joint anti-narcotics interdiction ng mga ahensya.
Batay sa ulat, nasa 131 pakete ng shabu na idineklarang “marble” mula Afghanistan ang nadiskubre na itinago sa top rail portion ng container.
Sinabi ni Nepomuceno na ito ang unang pagkakataon na may natuklasang kontrabando na itinago sa mismong bakal ng container, dahil karaniwang nasa loob lamang ng mga kahon ang ipinupuslit na ilegal na droga.
Nadiskubre ang shipment matapos makatanggap ng intelligence report ang BOC mula sa PDEA noong Disyembre 2, 2025.
Idineklarang abandonado ang kargamento nang hindi ito kunin ng consignee o forwarder sa loob ng itinakdang 15-day reglementary period. Dahil dito, isinailalim sa x-ray scan ang container na nagresulta sa pagkakatuklas ng ilegal na droga.
Ayon kay Nerez, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng shipment.
“Kumpiyansa kami na matutumbok namin ang kanilang local contact at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa foreign counterparts, matutukoy rin ang mga dayuhang sangkot,” ani Nerez.
(JESSE RUIZ)
4
