SA kabila pa ng sunod sunod na tagumpay na operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kontra-droga, patuloy pa rin ang pagbabaka-sakali ng mga sindikato sa pag-asang makakalusot na ang mga ipinagbabawal na gamot na kanilang ipinupuslit sa bansa.
Gayunpaman, muling nabigo ang pagtatangka matapos masabat ng BOC ang hindi bababa a P2-milyong halaga ng droga sa Central Mail Exchange Center sa lungsod ng Pasay.
Sa tala ng BOC, may kabuuang 1,115 piraso ng party drugs na kilala sa tawag na ecstasy at 26.4 gramo ng ketamine ang nabistong nakakubli sa mail parcel mula sa bansang Germany at Netherlands. Hindi naman binanggit sa kalatas ng BOC ang mga pagkakakilanlan ng mga consignee maliban sa mga lugar na pagdadalhan – Caloocan, Mandaluyong, Bulacan at Davao.
Ayon sa BOC, unang naghinala ang mga kinatawan ng BOC sa Ninoy Aquino International Airport kung saan lumapag ang mga bagaheng idineklarang “mail parcels,” nang isailalim sa x-ray inspection ang mga nasabing bagahe. Nang buksan ang pinagdududahang kargamento, tumambad ang santambak na ecstasy at ketamine, hudyat para kumpiskahin at ipasuri sa PDEA. Ang resulta – positibong droga.
Lubos naman ang pagkadismaya ni General Gerald Javier na tumatayong deputy commander ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA IADITG), sa sunod-sunod na insidente ng tangkang pagpapalusot ng droga sa paliparan.
“The increasing number of ecstasy seizures is an indicator that there is a demand for such products in our country…but we, the people in
the port of entry, are really on the target to intercept these illegal drugs.”
Sa datos ng ahensya, kapuna-puna ang pagtaas ng mga insidente ng mga pagtatangkang magpuslit ng drogang ecstasy sa NAIA – mula sa 14 parcels na nasabat noong 2020, umabot sa 23 parcels ang naitalang kargado ng ecstasy mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon.
(JOEL AMONGO)
483 