CAVITE – Tinatayang mahigit sa P3.2 milyong cash at alahas ang natangay ng hinihinalang mga akyat-bahay sa bahay ng isang investor sa Gen. Trias City sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.
Dumulog sa pulisya ang biktimang si Avelino Pelayo, binata, isang investor/financier, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ernesto Angue Jr. ng Gen Trias City Police Station, dakong alas-2:00 ng hapon noong Sabado, nagtungo ang pamilya Pelayo sa Pansol, Laguna para mag-swimming ngunit pagbalik nila dakong alas-7:00 gabi nang nadiskubreng nawawala ang kanilang vault na nakalagay sa kanilang kwarto sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Block 20, Lot 44, Hibiscus St., Liora Subd., Brgy. Camachile, Gen. Trias City, at naglalaman ng P3,000,000 cash at P200,000 halaga ng mga alahas.
Sa inisyal ng imbestigasyon ng pulisya, walang nakitang forcible entry sa main gate, main door at maging sa mga bintana ng bahay ng pamilya Pelayo.
Ipinalalagay na ‘inside job’ ang nangyaring nakawan bagama’t nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad. (SIGFRED ADSUARA)
