PATULOY ang isinasagawang evacuation and rescue operation sa mga apektado ng bagyong Nando sa Ilocos Sur at Cagayan.
Katuwang ang BFP, inilikas ng PCG ang mga apektado sa Sta. Catalina, Ilocos Sur kabilang ang 37 pamilya o 80 residente mula sa Barangay Paratong, Cabittaogan, at Subec gamit ang ambulansya.
Lahat ay dinala sa evacuation center upang maiwasan ang panganib.
Samantala, sa Barangay Rapuli, Santa Ana, Cagayan, nagsagawa ng house-to-house inspection ang Coast Guard Deployable Response Group (DRG).
Natagpuan ang dalawang pamilya na binubuo ng walo katao, kabilang ang anim na bata, at agad silang inilikas sa Purok 1, Sitio Limbus nang tumaas ang tubig-dagat.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, ang operasyon ay naka-angkla sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng bawat pamilyang Pilipino sa panahon ng kalamidad.
Nanatili pa ring nakaantabay ang PCG at patuloy ang pagbabantay at agarang pagtugon sa panahon ng kalamidad.
(JOCELYN DOMENDEN)
