MULING binigo ng mga kawani mula sa Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang panibagong tangkang pagpupuslit ng tinatayang P3 milyong halaga ng shabu sa Port of Clark kamakailan.
Bukod sa nakumpiskang drogang tumimbang ng halos kalahating kilo, timbog din sa ikinasang controlled delivery operation sa lalawigan ng Bataan ang consignee na kinilala bilang Arlyn Gemzon.
Ayon sa kawanihan, naging mabusisi ang pagrerebisa sa naturang bagahe matapos makatanggap ng timbre mula sa isang impormante kaugnay ng kargamentong naglalaman ng drogang nakakubli sa mga idineklarang damit mula sa Cape Town, South Africa.
Nang matukoy ang kargamento, agad itong idinaan sa sopistikadong x-ray machine kung saan tumambad ang anino ng kakaibang laman ng bagahe. Dito na pumasok ang K9 units ng PDEA na hudyat para buksan na at inspeksyunin ang laman ng bagahe.
“The illegal drugs were concealed in a package declared as clothing from Capetown, South Africa.”
Kasong paglabag sa Section 4 ng Comprehensive Dangerous Act of 2002 ang isasampa ng PDEA laban sa suspek na si Gemzon.
184 