P3-M SMUGGLED CIGARETTES, NASAMSAM NG PCG SA ZAMBOANGA CITY

TINATAYANG P3 milyon halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang passenger vessel sa Zamboanga City nitong nakalipas na linggo.

Ayon sa PCG, nadiskubre ang mga assorted na sigarilyo na nakatago sa iba’t ibang bahagi ng barko matapos itong matunton sa isinagawang K9 security inspection.

Tinatayang nasa P3,058,600 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na kontrabando.

“The operation stemmed from intelligence information that alleged undocumented imported cigarettes were bound for Zamboanga City,” ayon sa PCG.

Hindi itinanggi ng apat na crew member ng Zamboanga International Seaport na tinanggap nila ang naturang kontrabando sa barko, ngunit tumanggi ang mga ito na tukuyin ang may-ari ng mga sigarilyo.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, inihahanda na ang mga kaso laban sa mga sangkot na tripulante dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Mahaharap din ang mga suspek sa reklamong paglabag sa RA No. 8424 o National Internal Revenue Code, at RA No. 10643 o Graphic Health Warnings Law.

Sinabi ni Cayabyab na pinagmulta rin ng P40,000 ang pamunuan ng barko dahil sa pamemeke ng mga dokumento, cargo contents at security details, bukod sa pagkakapag-isyu rito ng Enforcement Inspection Apprehension Report.

“The vessel management was also issued an enforcement inspection apprehension report for fraudulent entry in its maritime declaration of security and departure documents and was fined P40,000 for the violation,” paliwanag ni Cayabyab.

Itinurn-over na sa PCG Investigation and Detection Unit sa Southwestern Mindanao ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa safekeeping at proper disposition.

(JESSE RUIZ)

53

Related posts

Leave a Comment