AGFO SA MGA OPISYAL NG GOBYERNO: SUMUNOD SA POLISIYA NG PILIPINAS SA WPS O MAGBITIW

NAGLABAS ng manifesto ang Association of General and Flag Officers (AGFO), na binubuo ng mga retirado at aktibong heneral, na nananawagan sa mga opisyal ng pamahalaan na humanap ng judicial remedies o magbitiw sa puwesto kung hindi nila kayang suportahan ang opisyal na posisyon ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa AGFO, na pinamumunuan ni retired Police Major General German Doria, ang pagsunod sa mga legal na obligasyon ng Pilipinas sa WPS ay usapin ng pagtalima sa batas at hindi ng pampulitikang paninindigan.

Iginiit ng grupo na ang mga opisyal na hindi kayang suportahan ang mga umiiral na pambansang batas o ang mga legal submission ng bansa, kabilang ang Extended Continental Shelf claim, ay may tungkuling dumulog sa hukuman o mag-step aside upang mapanatili ang tiwala ng publiko.

Binigyang-diin din ng AGFO na ang katapatan sa Konstitusyon, pagtalima sa rule of law at pagtatanggol sa pambansang soberanya ay mga tungkuling hindi maaaring isantabi ng sinumang lingkod-bayan.

Ipinahayag din ng grupo ang suporta nito sa posisyon ng Department of National Defense (DND) at ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.

Nauna nang nilinaw ni Teodoro na ang kanyang panawagang magbitiw ang mga opisyal na hindi susuporta sa polisiya ng bansa sa West Philippine Sea ay nakabatay sa obligasyong sumunod sa batas at hindi sa personal na paniniwala.

Ayon sa kalihim, bahagi ng batas ng bansa ang Administrative Order No. 29, Series of 2012, na tumutukoy sa mga maritime area sa kanlurang bahagi ng Philippine archipelago bilang West Philippine Sea, kaya tungkulin ng lahat ng opisyal ng pamahalaan na ito ay sundin at ipagtanggol.

Sinabi rin ni Teodoro na kung hindi sang-ayon ang isang opisyal sa umiiral na polisiya, maaari niya itong kuwestiyunin sa hukuman, subalit habang nananatiling may bisa ang batas ay obligado itong sundin. Kung hindi ito magagawa, aniya, ang nararapat na hakbang ay ang pagbibitiw sa puwesto.

Nanawagan din ang AGFO ng pagkakaroon ng iisang pambansang paninindigan upang suportahan ang mga sundalong nagbabantay sa karagatan at ang mga mangingisdang Pilipino sa Exclusive Economic Zone (EEZ).

Hinimok din ng grupo ang media at mga public commentator na ilahad ang mga opisyal na pahayag ng pamahalaan sa tamang legal na konteksto upang maiwasan ang maling interpretasyon at kalituhan ng publiko.

(JESSE RUIZ)

72

Related posts

Leave a Comment