NANINIWALA si Atty. Ariel Inton na nasa plano pa rin ni dating House Speaker Martin Romualdez ang pagtakbo sa presidential elections sa 2028.
Ayon kay Inton, habang tumatagal ay tila lumalabo ang mga kasong iniuugnay kay Romualdez kaugnay ng umano’y trillion-peso flood control scam, kaya posible pa rin umanong siya ang maging pambato ng kanyang pinsang si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2028.
Sinabi ni Inton na bago uminit ang isyu ng flood control at habang Speaker pa si Romualdez, tinitingnan na ito bilang posibleng presidential candidate ng mga supporter ni Marcos dahil sa malawak nitong suporta sa Kamara.
Gayunman, nagbago umano ang sitwasyon nang maiugnay ang dating Speaker sa kontrobersiya sa flood control projects. Itinatanggi ni Romualdez ang alegasyon na siya ang mastermind ng anomalya.
Nabanggit din ni Inton na sinabi ng Office of the Ombudsman na nasa preliminary investigation ang kaso laban kay Romualdez, ngunit hindi pa ito nakukulong at maaari pang ma-dismiss ang reklamo o magresulta sa ibang kasong hindi plunder na maaaring piyansahan.
Dagdag pa niya, maaaring gamitin ng mga abogado ni Romualdez ang pagbawi ng apat na dating Marines sa kanilang mga salaysay laban sa dating Speaker bilang bahagi ng depensa nito.
Samantala, sinabi ni Inton na patuloy na nangunguna si Vice President Sara Duterte sa mga survey para sa pagkapangulo, habang nasa ikalawang puwesto si Naga City Mayor Leni Robredo.
Sa kanyang pagsusuri, posible pa ring si Romualdez ang “sikretong kandidato” ni Marcos sa 2028 at ang magiging mahalagang senyales nito ay kung madi-dismiss ang kaso laban sa dating Speaker o kung hindi ito mauuwi sa kasong plunder.
(JULIET PACOT)
55 