NASA “hot water” ngayon si Cagayan de Oro Mayor Klarex Uy matapos kwestyunin sa paraan niya ng paggamit sa pondo ng lokal na pamahalaan na aabot sa P330 million cash advances.
Sa isang press conference sa Cagayan de Oro City, ibinunyag ni Teddy Sabuga-a, 9 na taong nagsilbi bilang City Administrator ng Cagayan de Oro na ang “massive cash advances” ni Uy ay ginawa sa pagitan ng 2022 hanggang unang buwan ng 2025.
“If you review the matrix of cash advances by date, you’ll notice a pattern– significant amounts were drawn in September 2023, conspicuously timed around the barangay elections,” pahayag ni Sabuga-a kung saan isang matrix ng cash advances ang ipinakita nito sa isinagawang press conference.
Sinabi ni Sabuga-a na nakababahala ang serye ng cash advance sa loob ng City Hall dahil nagpapakita ito ng maling paggamit ng pondo ng LGU, mahinang pamamalakad at paglabag sa procurement laws.
“The records show repeated high-value transactions concentrated among a small group of personnel, with some individuals receiving over 20 separate cash advances. One person alone was given P71.7 million.
Batay sa official documents na inilabas ni Sabuga-a, ang bulto ng disbursements na P25 million hanggang P71 million ay tinanggap ng mga nagngangalang Cyril Ranile, Jade Adeser, Xsyclyn Faith Lumbatan, Jasmin Maagad, Rhapsody Gaabucayan, Mark Kenneth Jalapadan, Remy Labiano at Sheila Lumbatan.
“This is highly irregular. The cash advance systems is meant for urgent, specific needs– not for repeated multi-million peso disbursements concentrated among a few individuals,” giit pa ni Sabuga-a.
Ilan pa sa nadiskubre ay mga indibidwal na nakatanggap ng cash advances ng 20 beses, mayroon tseke na P20 Million at P26 million cash advances na isang araw lamang winithdraw at ang sinasabing pinaglaanan ng disbursement ay pawang kuwestiyunable.
Alinsunod sa COA Circular No 97002 at Republic Act 9184 (Procurement Law), ipinagbabawal ang palagiang paggamit ng cash advances at kailangan ang agaran nitong pag-liquidate.
Umapela naman ang ilang opisyal ng LGU at ilang watchdog groups sa Commission on Audit (COA) na rebyuhin ang liquidation reports gayundin ang pagsusulong ng kasong administratibo at kriminal laban sa alkalde.
“Every peso entrusted to public officials must be accounted for. The people of Cagayan de Oro deserve full transparency and accountability” dagdag pa ni Sabuga-a.
Inihahanda na ang reklamo laban kay Uy sa Office of the Ombudsman.
