ISINUSULONG ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang panukalang maglaan ng P3,500 buwanang rental subsidy para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan, lalo na ang mga naapektuhan ng natural o man-made disasters.
Sa ilalim ng House Bill No. 7230 o “An Act Establishing a Rental Housing Subsidy Program for Informal Settler Families and Appropriating Funds Therefor,” layong mabigyan ng agarang tulong ang mga displaced families habang hinihintay ang pagkumpleto ng kanilang permanent relocation sites.
Ayon kay Romualdez, magsisilbing safety net ang financial assistance upang makahanap ng disenteng matitirhan ang low-income families.
“Financial aid to low-income families or displaced individuals helps them afford decent housing in the rental market. This serves as a bridge until permanent housing becomes available,” paliwanag niya.
Iginiit naman ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na naaayon ito sa mandato ng Konstitusyon na tiyakin ang tuloy-tuloy na programa sa pabahay at land reform.
Sa panukala, P3,500 ang nakatakdang subsidy para sa mga benepisyaryo sa Metro Manila, habang ang halaga sa mga lalawigan ay itatakda ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Ang subsidy ay ibibigay hanggang sa makumpleto ang permanent housing project. Kung maantala ang proyekto, palalawigin ang ayuda at sasagutin ito ng implementing agency.
(TINA MENDOZA)
6
