UMABOT sa P4 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasabat ng mga tauhan ng PDEA-Calabarzon sa isinagawang buy-bust operation sa isang high value individual sa open parking lot ng isang restaurant sa Brgy. 188, North Caloocan.
Nasakote ng magkasanib na mga operatiba ng PDEA CALABARZON, PDEA NCR, at PNP Sub-Station 14 Caloocan, si alias “Abdul”, 20, isang construction worker, at itinuturing na isang HVI sa PNP watchlist.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa suspek ang 600 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P4,080,000 ang halaga.
Nakapiit na si Abdul sa tanggapan ng PDEA Calabarzon sa Sta. Rosa City, Laguna habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa sa kanya.
(NILOU DEL CARMEN)
