INIIMBESTIGAHAN ng mga awtoridad kung may kinalaman sa tangkang vote buying ang nasabat na anim katao ilang oras bago magbotohan nitong Lunes, Mayo 12, sa lungsod ng Dagupan.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) Dagupan City, bandang 12:08 ng madaling araw noong Lunes nang isagawa ang operasyon sa Sitio Mantipac, Brgy. Mayombo matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad.
Nasakote sa operasyon sina Michael Datuin Adaban ng Brgy. Mayombo, Dagupan City; Eloisa Marie Dela Cruz Soriano ng Brgy. Domalandan, Lingayen; Krizza Joy Agas Estabillo ng Mabini St., San Carlos City; Cresente Sison Bondoc ng Careenan St., San Carlos City; alyas Ysa ng Brgy. Mayombo, Dagupan City; at alyas Maria ng Brgy. Mayombo, Dagupan City.
Nakumpiska sa kanila ang ilang election paraphernalia, kabilang ang mga leaflets at sample ballots ng mga kandidatong sina Celia Lim para alkalde, Bryan Lim para bise-alkalde, at Tope Lim para konsehal, pati na rin ang campaign materials ng nominees ng Tulungan Partylist. Nakumpiska rin ang mga election flyers na may kalakip na pera na may kabuuang halagang P120,600.00.
Matapos ang imbestigasyon ng PNP Dagupan, sinampahan ang mga naaresto ng kasong paglabag sa Article XXII, Section 261 (a) ng Batas Pambansa Blg. 881 o Omnibus Election Code, kaugnay sa vote buying. Itinakda ang piyansa sa halagang P36,000 para sa bawat akusado.
Nagbigay na rin ng kani-kanilang salaysay ang mga akusado kaugnay sa insidente. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may iba pang sangkot sa naturang aktibidad.
Habang isinusulat ito, wala pang opisyal na pahayag mula sa mga kandidatong nabanggit sa mga nasamsam na materyales.
(RUDY SIM)
