P400K MARIJUANA NADISKUBRE SA APARTMENT NG 2 ESTUDYANTE

CAVITE – Tinatayang mahigit sa P400,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam sa isang inabandonang apartment ng dalawang umuupang college students  sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang dalawang estudyante na sina Victor Jeric Bautista y Apoderado, 27, ng Brgy. Moonwalk, Paraňaque City, at  Carmina Recla y De Paz, 28, ng Imus, Cavite, base sa  sumbong ng may-ari ng Ramos Apartment sa Sitio Hanopol, Brgy. Kaong, Silang, Cavite na si Amie Ramos, 45-anyos.

Ayon sa salaysay ni Ramos, umupa ang dalawa noong Oktubre 1, 2022 pero huli niyang nakita noong Nobyembre 24, 2022.

Pero nakalipas ng dalawang linggo, hindi na makontak ni Ramos ang dalawang tenant at wala na rin siyang balita sa kanila kung interesado pang ipagpatuloy ang pag-upa sa nasabing apartment.
Dahil dito, noong Huwebes dakong alas-3:20 ng hapon, nagpasya siyang buksan ang inuupahang apartment ng mga suspek at tumambad sa kanya ang apat na bricks ng hinihinalang dahon ng marijuana na nakalagay sa isang backpack.

Ang nasabing pangyayari ay agad na inireport at nai-dokumento ng pulisya.

Ayon sa imbestigasyon ng Silang Police, nabatid na ang dahilan kung bakit hindi na makontak at hindi na umuuwi sa inuupahang bahay ang dalawang tenants ay dahil naaresto sila sa ilegal na droga noong Nobyembre 26, 2022 sa Brgy. 43, Pinagpala, Cavite City. (SIGFRED ADSUARA)

419

Related posts

Leave a Comment