THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
HINDI pa man opisyal na nagsisimula ang La Niña ay naranasan ng napakaraming Pilipino ang matinding epekto ng masamang panahon nitong nakaraang linggo dahil sa habagat na pinalakas pa ng bagyong Carina.
Kahit halos tuloy-tuloy na ang pag-ulan pagpasok pa lang ng bagyo sa Philippine Area of Responsibility, nakagugulat pa rin ang tindi ng pagbaha na naranasan partikular dito sa Metro Manila at karatig na mga probinsya.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umabot sa 1.3 milyong tao sa buong bansa ang naapektuhan — kasama na ang mga kinailangang lumikas.
Base rin sa pinakahuling datos, mahigit 30 ang nasawi dahil sa bagyo — at karamihan ay dahil sa pagkalunod dahil sa matinding pagbaha.
Naikumpara ang tindi ng epekto ng bagyo at habagat sa naranasan ng marami noong nagdaang matitinding mga bagyo kagaya ni Ondoy. Marami ring nagsabi na pati mga lugar at bahay na hindi naman binabaha, naapektuhan na rin kaya talaga namang hindi inaasahan ang dagok na ito para sa napakarami nating kababayan.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsubok noong kasagsagan ng pag-ulan at pagbaha, nariyan naman ang napakaraming mga frontliner at volunteer na ginagawa ang lahat para makatulong sa kapwa nila naapektuhan ng bagyo, na hindi alintana ang kanilang sariling mga suliranin.
Nariyan ang rescuers na sumasaklolo sa mga stranded sa iba’t ibang lugar, at pati na rin sa mga bubong ng mga bahay pagkatapos malubog sa baha. Nariyan din ang mga nagbibigay ng pangunahing serbisyo.
Saludo talaga ako sa frontliners, volunteers, at siyempre ang mga nagta-trabaho para maibalik agad sa normal ang sitwasyon kasama na ang mga line crew at tauhan ng mga kumpanyang kagaya ng Meralco, na hindi tumigil hangga’t hindi naibabalik ang serbisyo ng kuryente sa lahat ng naapektuhang customer.
Siyempre, siniguro rin nilang maibalik agad ang serbisyo sa mga kritikal na pasilidad kagaya ng mga ospital na mahalaga rin ang papel na ginagampanan sa ganitong mga sitwasyon.
Nilusong ng mga crew ang baha at hinarap ang napakaraming hinaing at reklamo ng mga tao, kahit na hindi naman nila kasalanan ang naging pagbaha. Minsan kasi, ‘di natin napapansin na hindi naman pwedeng sa isang iglap lang, naibalik na ang kuryente sa lahat. Nariyan na kailangan pa talagang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at mga komunidad para talagang masiguro na ligtas na para maibalik ang kuryente. Kaya salamat sa kanilang pagseserbisyo sa publiko, ‘di alintana ang baha o bagyo, kahit pa man ang ilan sa kanila ay binaha at naapektuhan din ang kani-kanilang pamilya.
Ngayong unti-unti nang nagbabalik sa normal ang lahat, nagbabayanihan pa rin ang maraming sektor ng lipunan para naman bigyan ng suporta at tulong ang mga pamilyang nasalanta at matinding naapektuhan ng bagyo Napakarami pang relief efforts, donation drives at fund-raising activities kaya alam natin na hindi mauubusan ang handang tumulong sa kabila ng trahedya. Walang kanya-kanya rito. Kapag may delubyo, meron at meron tayong makakasama sa pagbangon.
Huwag na natin pansinin ‘yung mga taong hindi naka-iintindi ng dinanas ng napakarami nating kababayan dahil hindi sila nahihirapan sa buhay. Huwag nang pasikatin ang mga ganyan, lalo na kung wala namang totoong ambag sa lipunan.
Isa na namang leksyon ang pagsubok na dulot ng bagyo at habagat para sa mga kailangang gawin, at dapat paghandaan lalo na’t inaasahang marami pang bagyong papasok sa susunod na mga buwan. Bagama’t alam naman nating hindi talaga kayang labanan o pigilan ang mga pag-ulan, sana naman ay maging mas handa tayo ngayong naranasan na natin ang ganitong katinding pag-ulan at pagbaha.
Sana rin ay mas maging mulat tayo sa kinakaharap, hindi lamang ng ating mga pamilya at kaibigan, kundi pati na rin ang mga taong tumutulong sa atin at nagbibigay sa atin ng serbisyo. Ibayong kabutihan at pagtutulungan ang ating pairalin.
At pasalamatan natin ang lahat ng mga manggagawang ‘di pinansin ang masasakit na mga salita at mga panghuhusga ng ilang mga taong uminit ang ulo at nagalit, upang patuloy na makatulong at makapagbigay ng serbisyo sa kapwa. Bumangon na tayo at magtulungang muli.
