P496.4 MILYON HALAGA NG SHABU NA ITINAGO SA MAKINARYA, NASABAT NG BOC AT PDEA

TINATAYANG nasa P496.413 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa isang makinarya na ipinadala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nasabat sa ikinasang anti-narcotics interdiction operation ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Express Cargo Clearance Facility (ECCF) sa NAIA Complex, Pasay City.

Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), katuwang ang PDEA-NCR na pinamumunuan ni Regional Director Derrick Carreon at BOC na pinamumunuan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno.

Kabilang din sa operasyon ang PNP Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI).

Dahil sa nakuhang derogatory intelligence information, isinailalim sa inspeksyon ang isang parcel na idineklarang naglalaman ng “pelletizing machine.”

Sa isinagawang pagsusuri, nadiskubre sa loob ng makinarya ang ilang pakete ng hinihinalang crystal meth o methamphetamine hydrochloride na tumitimbang ng 73,002 gramo.

Nagmula sa Mexico ang shipment at nakapangalan sa isang consignee sa Parañaque City.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng pagpapadala at pagtanggap ng kontrabando.

(JESSE RUIZ)

68

Related posts

Leave a Comment