UTAK SA MARIANO, ORIMACO KILLING, DAD NG POLITICIAN? (1)

PUNA ni JOEL O. AMONGO

IPINARATING sa PUNA ang impormasyon na isa umanong ama ng politician sa siyudad sa Metro Manila ang utak sa pamamaslang kina Perry Mariano at Norberto “Coycoy” Orimaco, ilang buwan na ang nakalilipas.

Sina Mariano at ang utak na itago na lang natin sa pangalang double “AA” ay magkasosyo sa negosyo sa isang siyudad sa Metro Manila. Si Mariano umano ang namamahala sa ground operations, workers, collections at profits. Nagtalo sina AA, Mariano at isa pang kasosyo na nakilala naman sa alyas “BB,” tungkol sa tumataas na gastusin sa protection money at bumababang kita sa kanilang negosyo.

Nais na lamang ni Mariano na itigil na ang kanilang operasyon, subalit hindi pumayag sina AA at BB, ituloy lang daw ang kanilang negosyo kahit ano pa ang mangyari. Nagrereklamo umano ang mga tao ni Mariano sa pagtaas ng pangangailangan at gagamitin sa negosyo. Sinabi ng isa sa mga tao ni Mariano na balewalain na lang daw si BB na hindi naman pumayag ang una dahil mahalaga ang suporta nito sa kanilang operasyon.

Ayon pa sa kanya (Mariano) mahalaga ang koneksyon nina AA at BB dahil makatutulong ito sa kanilang operasyon lalo si AA, dahil ama siya ng politician. Kontrolado umano ni Mariano ang ground workers (cabos) ng kanilang negosyo kaya malakas ang impluwensiya nito sa kanilang mga manggagawa.

Marahil ito ang nag-udyok sa galit ng dalawang kasosyo na naging dahilan ng pamamaslang sa mga biktima. Alam umano ni Orimaco at kilala nito ang mga kausap ni Mariano kaugnay sa kanilang negosyo kung kaya’t tiyempuhan ang dalawa na magkasama.

Noong Pebrero 20, 2026, umalis ang gun-for-hire-group mula sa Cagayan de Oro na sumakay sa barko, magpapatunay nito ang 2Go ticket. Dumating ang grupo sa Manila noong Pebrero 22, 2026 at nakipagkita sa isang alyas “Nick” sa isang Restaurant kung saan ay tumanggap sila ng initial briefing sa kanilang gagawin.

Mula Pebrero 24 hanggang Marso 8, 2026, ang grupo ay nagsagawa ng kanilang patuloy na ‘monitoring, surveillance, and casing’ habang hinihintay ang four wheels vehicle na gagamiting getaway vehicle. Nagpatuloy ang pag-familiarize at pagsasanay ng grupo para sa kanilang ‘mode of operation, designated killing zone and exit plan.’ Ito ang panahon na sinabi ng isang nagngangalang “Lespera” na mayroon silang Plan A at Plan B.

Dito na binantayan ang galaw ni Mariano ng isang alyas “Boylino”. Noong Marso 6 hanggang 11, 2026, ang gun-for-hire na sina JDR, FP, BS, at US ay nag-check in sa kanilang safehouse. Noong Marso 7, 2026 dakong alas-7:30 ng gabi, nagkaroon ng meeting sa isang 5-star hotel sa Quezon City sina AA, BB at Mariano na ang layunin ay para mamukhaan ng mga suspek ang kanilang target (Perry Mariano).

Unang Linggo noong Marso 2026 ay sinabihan si Mariano ni BB na isa pang kasosyo sa negosyo, na ang pamunuan ng awtoridad ay humihiling ng mas mataas na weekly protection money dahil ang kanilang operasyon ay pinalawak at mino-monitor ng grupo. Kung kaya’t si BB ay nangailangan ng mas mataas na weekly allocation.

Unang Linggo ng Abril 2026 ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina BB at Mariano kaugnay sa pagtaas ng pangangailangan sa protection money at mas malaking hinihinging shares nila at ni AA. Dito na sinabi ni Mariano na bibitiw na lang siya kapag itinuloy ang hinihingi ng dalawa niyang kasosyo. Kaugnay nito, sinabi ni Mariano sa lahat ng kanilang mga manggagawa (cabos) na titigil na ang kanilang operasyon dahil kakarampot lang naman ang kanilang kinikita dito.

Bago pa man pinaslang sina Mariano at Orimaco noong Abril 24, 2026 ay nagpadala ang isang alyas “JP” ng P10,000 kay alyas “NG” para sa pagkain nila at gastusin sa gasolina bilang nakalagay sa kontrata ng kanilang pagpaslang. Dakong alas-10:57 ng umaga, si alyas “US” ay nakita sa 7-Eleven GMA Timog Avenue, QC na nagpadala pa ng pera sa kanyang kinakasama na si alyas “GM”. Bandang alas-3:32 ng hapon naganap ang pamamaril kina Mariano at Orimaco na nakasakay sa isang kotse. Matapos ang pamamaslang ng riding in tandem ay agad tumakas ang mga ito sakay ng single motorcycle. Dakong alas-3:45 ng hapon nakita sa CCTV footage na inabandona ng mga suspek ang Yamaha Mio 125S na kanilang ginamit sa Scout Rallos St. malapit sa Scout Ybardolaza St., QC.

Nakita rin sa CCTV dakong alas-4:02 ng hapon, ang mga suspek ay nagpalit ng kanilang damit at naglakad sa may Borromeo St., bago pa sila sumakay ng tricycle patungo sa Quezon Avenue at doon na sila sumakay sa pampasaherong jeepney. Abangan ang karugtong!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

58

Related posts

Leave a Comment