KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) na posibleng nasa kustodiya pa rin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang 91 high-powered firearms na nakarehistro sa kanyang pangalan.
Ito ay matapos mabatid na 26 lamang sa kabuuang 117 baril na nakarehistro sa pangalan ni Dela Rosa ang naibalik na sa PNP kasunod ng pagbawi sa kanyang mga lisensya at rehistrasyon ng mga armas.
Ayon kay Police Maj. Gen. Aden Lagradante, direktor ng PNP Civil Security Group (CSG), 26 pa lamang sa 117 baril ang na-turn over sa pulisya.
“From 117, 26 ‘yung na-turn in nila so we still have 91. Continuous ‘yung ating coordination doon sa legal officer niya,” ani Lagradante.
Nabatid na may Type 5 Gun License si Dela Rosa na dating nagpapahintulot sa kanya na magkaroon ng mahigit 15 baril bago ito bawiin ng mga awtoridad.
Noong Mayo, iniutos ang pagbawi sa kanyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at pagpapawalang-bisa sa rehistrasyon ng 117 baril na nakapangalan sa kanya, kaugnay ng standing arrest warrant laban sa senador sa International Criminal Court (ICC) para sa mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa drug war.
Ayon sa PNP, nagpapatuloy ang koordinasyon nito sa legal officer ni Dela Rosa upang matukoy at maisuko ang natitirang mga baril.
Sinabi rin ni Lagradante na humihiling ng reconsideration ang kampo ng senador sa Firearms and Explosives Office (FEO).
“By our rules, dapat ma-surrender. But ang last na information, on the process of accounting doon sa mga remaining firearms,” ani Lagradante.
Gayunman, inaalam pa ng PNP ang legalidad ng posibleng pagsasampa ng kasong illegal possession of firearms laban kay Dela Rosa dahil administratibo pa umano ang proseso ng pagbawi sa kanyang lisensya.
Nauna nang kinuwestiyon ng abogado ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon ang batayan ng PNP sa pagbawi ng lisensya at sinabi nilang naghain sila ng motion for reconsideration sa FEO.
(JESSE RUIZ)
63 