TUMATAGINTING na P50-bilyong pondong nakalaan para sa dalawang dambuhalang proyekto ng Department of Transportation (DOTr) ang tinabas at inilipat ng Kamara sa ibang ahensya ng gobyerno.
Pag-amin ni House appropriations committee chairman at partylist Rep. Zaldy Co, kinailangan bawasan ang pondong nakalaan sa pagpapagawa ng Metro Manila Subway at North-South Railway Commuters sa hangaring balansehin ang prayoridad ng gastusin ng pamahalaan.
Hindi rin aniya angkop na patulugin ang pondo sa mga nasabing proyektong inaasahang aabutin pa ng anim na taon bago tuluyang matapos.
Sa pinal na bersyon ng Kamara sa P5.268 trilyong 2023 national budget, pumalo sa P77.5 bilyon ang isinailalim sa realignment – kabilang ang P50 bilyon mula sa DOTr. Gayunpaman, walang detalyeng inilahad kung saan ahensya hinugot ang nalalabing P27.5 bilyon.
Giit ng kongresistang minsan nang nakaladkad sa kontrobersyal na DepEd laptop deal, walang dapat ikabahala ang publiko lalo pa’t pwede naman aniyang pondohan ang mga nabanggit na proyekto ng DOTr (at iba pang ahensyang tinapyasan ng pondo) sa mga susunod na taon.
Sa datos ng Kamara, pinakamalaki ang pakinabang ng Department of Health (DOH) sa isinagawang realignment ng pondo – P20.25 bilyon ang napunta sa nasabing departamento.
Makakatanggap din ng P10.5 bilyong karagdagang pondo ang Department of Education (DepEd) – bukod pa sa kontrobersyal na P150 milyong intelligence fund. Sa nadagdag na pondo ng DepEd, P10 bilyon ang inilaan para sa pagpapatayo ng mga karagdagang silid-aralan at kalahating bilyong piso naman sa special education program. (BERNARD TAGUINOD)
