WALANG patid ang pagdating ng mga nakikiramay sa pamilya ng pinaslang na brodkaster na si Percy Lapid.
Kabilang sa mga unang dumalaw sa burol sa Paz Memorial Chapel sa Sucat, Paranaque ang mga katrabaho at followers ni Ka Percy o Percival Mabasa, sa kanyang online at radio program.
Magkasama namang nagpaabot ng kani-kanilang pakikiramay sina Executive Secretary Lucas Bersamin at Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra sa pamilya Mabasa.
Nauna rito, nagpaabot ng taos-pusong simpatya at pakikiramay ang Pamahalaang Lokal ng Las Piñas City sa naulilang pamilya ni Percy.
Sa inilabas na pahayag ni Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar, nagluluksa at nalulungkot ang lokal na pamahalaan sa pagkamatay ni Lapid na isang Las Piñero, matapos pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek sa gate ng isang subdivision sa lungsod kamakailan.
Ayon sa alkalde, ang pagpaslang sa mamamahayag ay isang direktang pag-atake sa press freedom o malayang pamamahayag at pagsikil sa karapatan ng mamamayan sa katotohanan at pahayag.
Bumuo na rin ang Las Piñas City Police ng special task force na tututok at mag-iimbestiga sa karumal-dumal na krimen.
Samantala, nag-alok naman si DILG Secretary Benhur Abalos ng pabuyang P500,000 sa makapagbibigay ng impormasyon na magiging daan para mahuli ang mga suspek.
Nauna nang nag-alok ng P1 milyong pabuya ang tumakbong alkalde ng Maynila sa nakaraang eleksyon na si Atty. Alex Lopez.
Walang Deadline sa NBI
Samantala, hindi binigyan ng deadline ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla ang National Bureau of Investigation (NBI) kung kailan nila matatapos ang imbestigasyon sa pagpaslang sa beteranong broadcaster.
Kasunod ito ng kautusan ng DOJ na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa nasabing pamamaslang ang NBI.
Bukod sa NBI, may sarili ring imbestigasyon ang PNP kaugnay sa nasabing pagpaslang.
Nakiisa ang US
Nagbigay na rin ng pahayag ang Amerika sa nangyaring pagpatay kay Lapid.
Sa pamamagitan ng US Embassy sa Maynila, ibinahagi ng Amerika na welcome dito ang pagtiyak ng mga otoridad hinggil sa puspusang imbestigasyon sa nasabing krimen.
Binigyang diin ng US Embassy na mahalaga ang freedom of expression sa pagbuo ng magandang bukas para sa mga Pilipino kaya tiwala silang maibibigay ang hustisya sa pagpatay kay Lapid.
Nauna rito, kinondena ng Canada at The Netherlands ang pananambang kay Lapid na sinang-ayunan din ng Embassy ng France at Micronesia.
Huwag Balat Sibuyas
– BGen. Dizon
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Manila Police District Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon ang kanyang mga tauhan na huwag pairalin ang emosyon sakaling mabatikos ng media.
Pahayag ito ng opisyal kaugnay sa pamamaslang kay Percy Lapid na kabilang sa mga tinitingnang motibo ay ang mainit nitong mga komentaryo at pagpuna sa mga tao sa gobyerno.
Paliwanag ng heneral, bilang isang pulis, kaakibat nito ang tinatawag na maximum tolerance sa lahat ng pagkakataon.
Aniya, natural sa aksyon at pagtupad sa tungkulin ng mga pulis ang negatibong reaksyon ng mga hindi napapaboran at nasasagasaan.
Giit nito, bilang pulis ay totoo ang katagang “We cannot please everybody”.
Kaya bilin ng heneral sa kanyang mga tauhan, sakaling mabatikos ay huwag maging emosyunal o balat sibuyas sa halip ay harapin ang kung ano ang usapin. (CHRISTIAN DALE/RENE CRISOSTOMO)
