UMABOT sa anim na bilyon ang budget ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan para sa mga gugugulin ng kapitolyo sa taong 2021.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, popondohan nito ang mga tinukoy na prayoridad sa binalangkas na Provincial Development Plan.
Mula sa 5.7 bilyon pisong provincial budget noong 2020, tumaas ito sa P6-bilyon dahil sa pag-angat ng per capita income o ang average na kita ng isang karaniwang Bulakenyong nagtatrabaho at naghahanapbuhay na umaabot sa 1,822.56 piso mula sa dating 1,731.43 piso.
Pinakamalaking lalaanan ng anim na bilyong pisong badyet ang sektor ng social services na nagkakahalaga ng 2.4 bilyong piso na sinusundan ng 2.2 bilyong piso para sa general services ng Kapitolyo.
Nagkakahalaga naman ng 1.2 bilyong piso ang inilaan para sa economic recovery ng Bulacan.
Ipinaliwanag pa ng gobernador na ang mas malaking pagpopondo sa sektor ng social services ay pagpapatunay para sa mas malakas na pagtugon ng Kapitolyo laban sa COVID-19.
Sa ipinasang pondo, ayon kay Provincial Budget Officer Francisco de Guzman, magmumula ang badyet sa 4.1 bilyong pisong Internal Revenue Allotment mula sa Department of Budget and
Management at 758.3 milyong piso na target na koleksiyon mula sa mga pinaiiral na buwis ng Kapitolyo sang-ayon sa Provincial Revenue Code. Mayroon ding 419 milyong piso na inaasahan mula sa operating and miscellaneous revenue.
Ito ang mga singilin mula sa mga umuupa sa paggamit ng mga pasilidad ng Kapitolyo gaya ng Bulacan Sports Complex, Bulacan Capitol Gymnasium at ang Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Iba pa rito ang 268.3 milyong piso mula sa iba’t ibang paupahang komersiyal ng Kapitolyo o ang economic enterprise at 370 milyong piso na nakokolekta sa mga ospital. (ELOISA SILVERIO)
151
