TINATAYANG umabot sa P7,243,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska makaraang madakip ng mga tauhan ni PNP-PRO5 Director P/BGen. Jonnel C. Estomo ang anim na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang magkakahiwalay na anti-narcotics operation katuwang ang PDEA ROV.
Ayon sa ulat na isinumite sa Bicol PNP chief, dalawang umano’y drug pusher ang nahulihan ng 100 gramo ng shabu matapos na bentahan ang isang pulis na umaktong poseur buyer.
Kinilala ang mga suspek na sina Hiroji Tesorero y Clarion, 39, at Froilan Teves y Tud, 41-anyos.
Bukod sa unang nakumpiskang mga ilegal na droga, nakuha rin sa kanila ang 6 pang selyadong transparent na plastik na naglalaman din ng shabu na may bigat na 900 gramo.
Sa kabuuan ay umabot sa P6,800,000 ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga mula sa dalawang suspek.
Samantala, mahigit 55 gramo ng ilegal na droga ang nakumpiska sa tatlong umano’y drug pusher sa inilatag na buy-bust operation ng PNP Bicol at PDEA dakong alas-3:30 ng hapon sa Zone 6, Brgy. Sta. Salud, Calabanga, Camarines Sur,
Ang mga suspek ay tinukoy na sina Rey Viola y Sales, 42; Mark Capricho y Bersoza, 33, at Christopher Aborde y Barcenas, 37-anyos.
Umabot sa P374,000 ang halaga ng droga ang narekober sa mga suspek.
Sa Camarines Norte, dakong alas-10:20 ng madaling araw, isang regional level high value individual ang natiklo sa inihaing search warrant ng mga pulis, na kinilalang si Ace Moral y Ibasco, 33-anyos.
Nakuha ng mga operatiba sa bahay ng suspek ang 2 plastic ng umano’y shabu na may bigat na 10 gramo at nagkakahalaga ng P68,000.00.
Ang mga naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002)
“Binabati ko ang mga bumubuo sa sunod-sunod na matagumpay na kampanya kontra droga. Ang inyong pagpupursige at determinasyon ay patunay ng inyong paninindigan upang ipanalo ang laban sa droga na naging sanhi sa pagkawasak ng maraming buhay at pamilya,” pahayag ni P/BGen. Estomo.
Tinitiyak naman ng inyong Kasurog Cops na mas paiigtingin pa ang mga operasyon at programa upang tuluyan nang tuldukan ang problema sa droga,” aniya pa. (JESSE KABEL)
273 