CLICKBAIT ni JO BARLIZO
BIRUIN mo ‘yan, ginastusan ng halos P800,000 ang Legacy Wall ng Senado na tampok ang mga senador ng 20th Congress.
Sus, para saan naman ‘yang legacy wall na ‘yan?
Pocket change lang ata sa kanila ang P800K, pero hindi inisip na galing ‘yan sa pinaghirapan ng mga taxpayer.
Sana, kung hindi nila kayang magtipid nang konti, ‘yung hiya na lang ang tipirin sa paggasta sa pera ng mamamayan.
Baka sa isip ng ilan sa nasa mural ay may pakinabang ang publiko sa pader na ito.
Dami tuloy nagalit na mga netizen. Puksa malala ang mga senador!
Ang ginastos sa naturang pader na nakabalandra ang larawan ng mga senador ng kasalukuyang Kongreso ay pwedeng pakinabangan ng taumbayan, pero ang impact ng mural ay hanggang pader lang. O kaya walang maiiwang bakas o bunga dahil ngayon pa lang ay puknit na sa mga naaalibadbaran na sa pagmumukha na nakapaskil.
Ayan, alphabetically arranged ang litrato ng mga senador ng 20th Congress sa bagong Legacy Wall. Hindi ito gaya ng mga nauna na ang ang pagkakasunod-sunod ay batay sa posisyon o ranggo ng mga senador. Ayon ‘yan kay Senate President Francis Escudero.
Sana, ang pagkakasunod-sunod ng litrato ng mga incumbent ay base sa nagawa nila sa bayan, at sa kapakanan ng mamamayan.
Magkakalintikan ‘yan.
Walang kwestyon sa 12 nanalo sa katatapos na eleksyon dahil kasasalta lang nila.
Teka, hindi pa nag-iinit ang 20th Congress meron na agad legacy.
Aba, dapat antayin n’yo ang panahon na ang taumbayan ang humusga kung ang 20th Congress ay may legasiya at bunga.
Sa ngayon, trabaho muna atupagin ng mga senador. ‘Yung trabahong direktang magbibigay serbisyo sa taumbayan.
Saka na ang luho.
Makikita nga pala ang mural sa ikalawang palapag ng Senate Building sa Pasay City.
o0o
Isa sa mga problemang inaabangan kung mababanggit sa SONA ni Marcos Jr. ngayong araw ang sektor ng edukasyon.
Minsang nagpahayag si PBBM na hindi siya tutol sa K-12.
Paglilinaw ng Malacañang, ang batikos ni Marcos Jr. sa programa ay tungkol sa implementasyon nito.
Hindi raw kasi naging epektibo agad ang programa dahil hindi naihanda ang mga ahensiya para rito.
Teka, hindi naihanda ang mga ahensya pero matagal nang ipinatutupad ang programa kaya dapat nakaagapay na ang mga ito at natukoy na sana kung ano ang kulang at butas sa K-12.
Tingnan at abangan na lang kung paano susuportahan, palalawigin at pag-iibayuhin ni PBBM ang programa.
Hindi kasi dapat binabasura ang sira kung pwede pang kumpunihin.
o0o
Daming problema sa edukasyon sa bansa na dapat tutukan at gawan ng paraang masolusyunan.
Pero, bahagi ba ng mga solusyon ang P1,000 buwanang allowance sa lahat ng estudyante?
Isinusulong kasi sa Kamara ang panukalang batas na bigyan ng nasabing allowance bilang suporta sa edukasyon, ang mga estudyante.
Suporta na ayuda.
Gusto na talagang gawing nasyon ng ayuda ang bansa.
Gayunpaman, panukala pa lang ito, pero dapat bang tukuran hanggang maging batas?
Ang dami nang uri ng ayuda sa mga estudyante. May mga financial assistance nang binibigay ang mga lokal na pamahalaan. Nariyan ang DSWD program at ang Unified Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).
Mayroon pa palang Senior High School Voucher Program.
Ang tanong, maayos bang naibibigay sa mga estudyante ang benepisyo sa ilalim ng mga programang ayuda?
Ang P1K ay makatutulong nga, pero may dapat pag-ukulan ng pansin para umangat ang kalidad ng edukasyon.
Dapat sumugal sa imprastraktura. Maayos at sapat na silid-aralan at upuan ang kailangan.
‘Yang isang libo kung magkakatotoo ay mitsa na muli ng himutok at reklamo sa paraan ng implementasyon.
Teka, sakali, saan kukunin ang pondo para sa 1K assistance? Buwanan ‘yan ha.
