THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
MARAMING Pilipino ang naapektuhan ng matinding sama ng panahon nitong nakaraang linggo. Tatlong bagyo — sina Crising, Dante at Emong ang magkakasunod na pumasok sa Philippine Area of Responsibility at nanalasa. Hindi nakaligtas ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa Habagat kaya halos hindi rin tumigil ang pag-ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa maraming lugar.
Umabot na sa 30 ang naiulat na namatay at mayroon pang mga sugatan at nawawala. Ayon sa pinakahuling datos noong Sabado, nasa 5.2 milyong indibidwal o 1.46 na milyong pamilya ang naapektuhan. Napakarami ring mga barangay na naapektuhan at mayroon pang mga landslide at kalsadang hanggang ngayon, hindi pa rin madaanan. Tinatayang mahigit P5 bilyon ang naging damage sa imprastraktura at nasa P1.1 billion naman sa agrikultura. Bagama’t nagsimula nang bumalik sa normal ang Metro Manila at mga karatig-probinsya, nasa mahigit 20 na lugar pa ang wala pa ring serbisyo ng kuryente.
Sa susunod na mga araw, asahan na natin ang mga ulat tungkol sa pagbangon. Hindi naman na bago ‘yan — kahit sa kasagsagan ng pag-ulan, hindi mo na maaalis sa mga Pilipinong ipamalas ang katatagan sa gitna ng pagsubok o ng trahedya. Kapag ganitong panahon, “resilient” ang isa sa pinakasikat at ginagamit na panglarawan sa atin.
Pero paulit-ulit ito, hindi ba? Bawat bagyo, bawat baha, bawat trahedya—lagi na lang tayong bumabalik sa parehong kwento: mga nawalan ng bahay, lumilikas, umaasang may darating na tulong. At matapos ang ilang araw ng relief operations at coverage, balik ulit sa normal ang karamihan.
Ito ang nakikita natin dito — hindi naman sabay ang pagbangon ng lahat. Sigurado, maiiwanan pa rin ang mga nasa pinakaliblib na lugar. Minsan nga, hindi na nakababalik sa dati. Mayroong mga kwentong nawalan sila ng bahay noong bagyo kaya nakikitira na lang sila, hindi na nagkabahay ulit pero umusad na rin ang buhay at natanggap na minalas lang talaga at matindi silang naapektuhan.
Habang nangangako ang mga politiko na babangon tayo muli at maaabot tayo ng tulong, mayroon tayong mga kababayan na hindi ‘yan naririnig. Maaaring nasa evacuation centers pa rin, walang kuryente, walang tubig, walang signal. Bibilang pa ng ilang araw o ilang linggo bago bumalik sa normal ang buhay habang karamihan sa atin, okay na. Parang walang nangyari.
Totoo namang matatag talaga ang mga Pilipino — lahat nagsasabi niyan. Mula sa politiko hanggang sa media, paulit-ulit itong ginagamit na tila ba badge of honor ang magtiis sa mga trahedya na tila ba nagiging katanggap-tanggap na ang ganitong sitwasyon. Papuri ang pagtitiis lalo na’t wala naman na tayong magagawa. Sa susunod na trahedya, ganito rin ulit.
Pero huwag natin kalimutan na hindi dapat i-romanticize ang resiliency at gamitin bilang palusot sa pagkukulang ng pamahalaan, o sa epekto ng maling desisyon ng mga nakaluklok sa pwesto.
Hindi ito pagsasawalang-bahala sa mga talagang tumutugon kapag may trahedya. Sa totoo lang, napakaraming 24/7 talagang nagtatrabaho — rescuers, social workers, healthcare workers, mga line crew na nasisigurong maibabalik ang serbisyo ng kuryente sa mga apektadong lugar, mga kinatawan ng pamahalaan na hindi alintana ang epekto sa kanila dahil may mas malaking responsibilidad na kailangan gampanan — ang responsibilidad sa kanilang mga nasasakupan. Nariyan din syempre ang mga nagmo-monitor sa sitwasyon at nagbibigay ng direksyon. Siyempre sa gitna ng ganitong trahedya, ang focus dapat ay kaligtasan at pagsaklolo sa mga nangangailangan dahil hindi naman pwedeng pabayaan na lang natin.
Pero siyempre dahil may social media, hindi rin maiiwasan ang mga taong nasa posisyon na sakdalan nang pagka-insensitive at kapag na-call out, nagiging defensive pa! Hindi man lang nila magawang maisip na sablay ang banat — gusto man maging cool, o maging nakatatawa bilang pampagaan sa tunay na estado natin, hindi naman maganda ang dating lalo na sa mga wala naman sa sitwasyong kakayaning makipagbiruan. Hindi ito dahil sa estilo ng pakikipag-ugnayan, pagbabalita o pagsasalita kundi mismong laman ng mensahe dahil may mga halimbawang lumabas nitong nakaraang linggo na hindi nila alam ang pribilehiyong mayroon sila. Out of touch, kumbaga. Ganyan talaga kapag masyadong malayo ang antas sa lipunan.
Matatawa at maiinis ka na lang na ginagawang pabiro para maging relatable, pero ‘pag inisip mo, talagang hindi malalim ang pang-unawa nila sa dinaranas ng kanilang nasasakupan. Seryoso ba? Selfie para sa ayuda? Habang marami pang lugar na lubog sa baha? Sa mga panahong dapat may dignidad ang bawat kilos, tila ginagawa pa itong palabas.
Hindi ko rin alam kung kailan tayo mamumulat, pero tanging pwede nating panghawakan ay ang posibilidad na kada trahedya — mayroon namang nagbabago. Mayroon nga ba? Hindi lang ba masyadong nararamdaman?
Mayroon na bang malinaw na plano para sa climate resilience at sapat ba at napupunta ba sa tama ang nakalaang pondo para sa mga isolated at geographically disadvantaged areas?
Mahalaga rin ang papel ng media sa ganitong panahon. Hindi lang para sa coverage, kundi para maiparating sa buong bansa ang sitwasyon ng mga lugar na hindi naririnig—’yung mga bayan sa malalayong mga lugar na isolated pa rin — walang kuryente, signal, at walang access sa tulong. Habang abala ang karamihan sa pagbabalik ng routine sa Metro Manila, marami pa sa kanila ang literal na nangangapa sa dilim.
Hindi natin kailangang ipagdiwang ang resiliency kung may sistemang gumagana. Ang kailangan natin: gobyernong maagap, pribadong sektor na responsable, at isang lipunang hindi bumabawi lang tuwing may kalamidad.
