HINDI muna ipalalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P84 bilyong congressional realignment, ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo.
Ang kumpirmasyon ay ginawa ni Panelo matapos makausap si DBM Secretary Wendel Avisado na nagsabi na ang pagpapalabas ng P84 bilyon congressional realignment fund ay depende sa pangangailangan at paggagamitan.
Iginiit ni Panelo na ito ay nangangahulugang daraan sa iba’t ibang patakaran.
“In other words, there will a process,” ayon kay Sec. Panelo.
Binigyang diin ni Panelo na walang kamay ang Malakanyang sa naging hakbang na ito ng DBM.
Gayunman, naniniwala naman si Panelo na walang nakitang iregularidad ang DBM bagaman pinigilan muna nito ang pagpapalabas ng P84 bilyong congressional realignment.
Ang paliwanag ni Panelo, kung may nakitang iregularidad ang DBM ay hindi na sana ipinasok ang nasabing halaga sa national budget.
‘Kaya lang ang sinasabi ko, kung kailangan iyon.. there is a need for that then we have to include that in the budget but they have to pass certain processes,” paliwanag ng tagapagsalita ng pangulo.
Wala namang nabanggit kung kailan ipalalabas ng DBM ang nasabing budget dahil ayon kay. Panelo ay depende iyon sa proseso lamang ay hindi niya alam kung anong proseso ang pagdaraanan para maipalabas ang nabanggit na budget.
“There is a protocol for that. They have to pass thru that,” anang tagapagsalita.
Sa ulat, sinasabing diumao’y hinarang ng Malakanyang at ng DBM ang pagpapalabas ng P84 bilyong congressional realignment.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, ilang mambabatas ang nagtangkang ilipat ang P80 bilyong pondo ng Build, Build, Build flagship program patungo sa pet projects ng kanilang mga distrito sa ilalim ng 2020 national budget.
Para kay Lacson, ang nasabing gawain ay “unmitigated gall” kasabay ng pagpuri kay Pangulong Duterte at sa DBM sa kanilang ginawang hakbang. Christian Dale
255 