NILINAW ng Malakanyang na hindi saklaw ng inilabas nitong proklamasyon kamakailan ang mga bakunado nang empleyado pero magsisilbing chaperone ng kanilang mga anak o kasamang senior sa bahay na may schedule sa tatlong araw na Bayanihan, Bakunahan.
Ani acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang kanilang pinaninindigan ay ang general rule na kung ang isang manggagawa ay may naka-schedule na bakuna alinman sa araw ng November 29 hanggang December 1 ay dapat itong payagan ng kanyang employer at hindi dapat ikonsiderang absent.
Paglilinaw ni Nograles, labas sa panuntunang ito ay hindi na maaaring saklawan pa ng gobyerno.
Dito na aniya papasok ang employee- employer arrangement kung maaaring payagan ng may- ari ng kumpanya ang isa niyang empleyado na samahan ang kasama sa bahay na may comorbidities o senior citizen sa pagbabakuna nito nang hindi siya mamarkahang absent.
“Iyong mga intricacies na mga details na ‘yan, I suppose will be between the employer and the employee na pag-usapan nila. Base naman dito sa IATF at sa mga issuances na puwedeng ibigay ng national government, dito lang po tayo sa general rule – and the general rule is if you are scheduled or you will be vaccinated during those vaccination days, then the employer should allow you to get vaccinated. So dito lang po tayo sa general rule, sa mga particulars po that’s really between the employer and the employee para mapag-usapan nila ‘yan,” ayon kay Nograles.
Samantala, muli ring binigyang diin ng Kalihim na hindi deklaradong non-working holiday ang Bayanihan, Bakunahan dahil kailangan paandarin ang ekonomiya lalo’t mababa na ang kaso ng COVID-19. (CHRISTIAN DALE)
168
