(Ni Ann Esternon)
Sa gitna ng pandemyang ating kinahaharap dala ng COVID-19, maraming bilang ang tinamaan ng epekto ng krisis – sa kalusugan man o sa ekonomiya.
Pero sino ba ang hindi masasaktan kapag buhay o hanapbuhay na ang nawala? Ito ang puntong hindi maiwasan ng iba ang pagkakaroon ng depresyon.
Ano ang depresyon?
Ang depresyon ay isang seryosong medical illness at nakaaapekto ito sa nararamdaman, takbo ng iniisip at maging sa ating galaw.
Ang depresyon ay tinatawag ding clinical depression o depressive disorder.
Negatibo ring naaapektuhan nito ang pagtulog, pagkain, pakikisalamuha sa iba at pananaw sa buhay.
Ang depresyon ay umaagaw ng ating lakas, kaayusan ng pag-iisip, at positibong nararamdaman. May mga inaatake ng depresyon na dahil sa sobrang wala nang kalakasan o gana sa lahat ng bagay ay tinatamad na rin sa kanilang sitwasyon – o sa kanilang buhay. Ito ang bagay na humahadlang sa isang may depresyon na makaalis sa hirap na kanyang kinalalagyan.
Ang pagkakaroon nito ay pangkaraniwan at minsan hindi natin alam na mayroon na tayo nito o ang taong kakilala natin.
Kapag ang negatibong bagay na ito ay nararamdaman sa loob ng dalawang linggo o higit pa, maaari na itong matawag na depresyon, pero ito ay nagagamot.
Sintomas at senyales ng depresyon
– lungkot na tuloy-tuloy na nararamdaman
– balisa
– ‘empty’ mood
– pakiramdam na walang silbi
– pakiramdam na helpless
– may guilt feeling
– kawalan ng lakas, sobrang pagod o sobrang bagal kumilos
– kawalan ng ganang kumain
– kawalan ng interes sa mga hilig o aktibidad na ginagawa naman noon
– hirap na makapokus sa pag-iisip
– hirap makatulog, nagigising sa madaling araw, o sobrang tulog
– nagkukulong sa kwarto o sa bahay
– umiiwas sa pamilya o mga kaibigan
– nakadepende sa inuming nakalalasing o pagdepende sa sedatives na mga gamot
– iritable
– miserable
– nawawalan ng kumpiyansa
– pananakit ng ulo o kalamnan
– biglaang pangangayayat o pagbigat ng timbang
Ano ang dapat gawin kapag may depresyon?
May self-treatment para sa ganitong kondisyon, kailangan lamang ay maging bukas o aware tayo sa kung anong nangyayari sa atin.
May ginagawa ka ba o may nangyayari sa iyo na hindi normal na hindi mo naman nararamdaman noon? Ito ang isang unang tanong na dapat mong masagot hangga’t maaari.
Huwag mahiyang humingi ng tulong upang makausap ang taong malapit sa iyo o makauunawa sa iyong pinagdadaanan. Unti-unting ilabas ang nararamdaman o nasasaloob.
Kapag nagiging seryoso o mabigat na ang kondisyon, agad na magpasuri sa doktor dahil maaaring ikamatay ng isang tao kapag hindi niya kinaya ang dinadala niyang depresyon.
638
