NALAGASAN ang Team Pacquiao matapos mapatay ang paboritong alaga at kasama sa pag-eensayo ng Pambansang Kamaong si Manny Pacquiao sa aksidente sa mismong compound nito sa General Santos City noong Sabado.
Ang 14-year old Jack Russell Terrier na si ‘Pacman’ ay naatrasan umano ng close aide ni Pacquiao na si David Sisson, isang American citizen.
Base sa ulat, walang nakapansin nang tumakbo si Pacman habang nagmamaniobra ng sasakyan si Sisson sa garahe ng compound.
Dahil dito, naatrasan ang aso na nagtamo ng matinding pinsala.
“I didn’t even see him and the boss’s bodyguards said he came out of nowhere and it was too late,” depensa ni Sisson.
Agad dinala sa veterinary clinic si Pacman ngunit hindi na rin ito naisalba.
Ayon sa beterinaryo, maaaring nakaligtas si Pacman kung ito ay pitong taon pa lamang at kakayanin ang tinamong pinsala.
Labis naman ang panghihinayang ni Pacquiao sa pagkawala ng minamahal na alaga.
Sa loob ng maraming taon ay kasama ni Pacquiao sa pagtakbo ang nasabing aso tuwing nag-eensayo bago ang kanyang laban.
Inilibing si Pacman sa loob ng compound ng Pamilya Pacquiao at ang seremonya ay magkasamang pinanood ng mag-asawang Manny at Jinkee.
Inaalam na kung totoong paso na ang visa ng pananatili ng Kano sa bansa at pagkakaroon nito ng Philippine license.
