Pag-alala sa mga atletang Pilipino sa Araw ng Kalayaan

ARAW ng kasarinlan ng bansa kahapon, Hunyo 12. Ika-124 ­anibersaryo ng Araw ng Kalayaan kung kailan ginugunita ang ating mga bayani, kabilang ang mga atletang nagsakripisyo ng buhay para mapalaya ang ­ating bansa mula sa mga dayuhang mana­nakop.

Lingid sa kaalaman ng marami, 52 atletang Pilipino — siyam ay Olympian at ang iba ay nirepresenta ang ating bansa sa iba’t ibang international competitions — ang itinaya ang sariling buhay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa nasabing bilang, 19 ay mula sa athletics, 10 swimming, siyam sa baseball, lima sa basketball, tatlo sa boxing, tig-dalawa sa football at tennis, at tig-isa sa wrestling at shooting.

Noong Hulyo 17, 1951 isang plakeng may sukat na 33×24 pulgada na gawa sa bronze at naka­ukit ang pangalan ng 52 atletang bayani ang inilagay sa dingding ng basketball coliseum sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex. Pinangunahan ng Philippine Amateur Athletic Federation ang simpleng seremonya sa pangunguna ni noo’y PAAF head at kinatawan ng International Olympic Committee na si Jorge Vargas. Kabilang sa mga dumalo ang mga opisyal at kinatawan ng mahigit 50 sports association at nagsilbing moderator si Colegio de San Juan de Letrán Rev. Fr. Martin Diez.

Makaraan ang 71 taon, nakalimutan na ng mga sumunod na liderato sa Philippine sports na alalahanin ang kabayanihan ng mga atletang Pinoy na lumaban at nagpakamatay para makamit natin ang hinahangad na kalayaan. Wala nang pumapansin sa plakeng nakasabit sa harapan ng basketball coliseum, na akala ng marami ay isang ordinaryong marking ng pangalan ng arkitekto at inhenyerong nagtayo ng gusali.

Hanggang ilipat, ilang taon na ang nakararaan, ng Philippine Sports Commission ang nasabing plake sa maliit na daan patungo sa Ninoy Aquino Stadium. Noon lamang napagtanto ng mga kapwa atleta at sports officials na may mga nakaukit dito na pangalan ng mga atletang-bayaning Pilipino kabilang sina Olympics medalist swimmer Teofilo Yldefonso, trackster Miguel White, at pito pang Olympian at 43 internationalists World War II heroes.

Marami sa kanila ay naging miyembro ng Philippine Scouts, USAFFE o underground guerilla unit, habang tatlo ay nahirang na “Most Outstanding Filipino Athletes of Half-A-Century” tulad nina Yldefonso, basketball Olympia Jacinto “Jumping Jack” Ciria Cruz at football star Virgilio Lobregat.

Si Yldefonso ang kauna-unahang Pinoy na nakapag-uwi ng dalawang Olympic bronze medal sa 200-meter breaststroke sa 1928 Amsterdam at 1932 Los Angeles. Binawian siya ng buhay sa kasumpa-sumpang ‘Death March’ mula Mariveles, Bataan hanggang Capas Concentration Camp sa Tarlac.

Si White ay isa ring bronze medalist sa 400-meter hurdles noong 1936 Berlin, kung saan naglaro din si Cruz kasama si Amador Obordo, at tumapos na panlima ang Pilipinas sa basketball. Si Cruz ay pinatay ng mga Hapon habang nagsasagawa ng underground works sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sina Yldefonso at White ay dalawa sa 11 Olympic medalist na ginawaran ng “Lifetime Achievement Award” ng Sports Communicators Organization of the Philippines (SCOOP) sa pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng paglahok ng Pilipinas sa Olimpiyada noong 2004.

Kabilang din sa mga bayani ng digmaan sina Lt. Nemesio de Guzman (track and field), Lt. Otoniel Gonzaga (shooting), Lt. Simplicio de Castro (boxing) at Lt. Enrique Jurado at Abduraman Ali (swimming). Si De Guzman ay kasama ng pambansang delegasyon sa IXth ­Olympiad sa Amsterdam noong 1928, sina Gonzaga at De Castro ay sa XIth Games sa Berlin noong 1936, habang si Ali ay sa XIIth ­Olympiad sa Los Angeles.

Ang iba pang atletang naging bayani ng WWII ay sina Miguel Sugeco, Sgt. Doming Espanol, Lt. Jose Antonio, Mayor Emilio Bucoy, Wenceslao Bansale, Eliseo Razo, Civico Granado, Maximino Pasaporte, Albino Bangayan, Delfin Danguilan, Lt. Constantino Alambra, Moises Lucas, Felizardo Casia, Francisco Danao, Bartolome Barabad, Alejo Alvarez at Simon Santos. Mga manlalangoy na sina Rosendo Aguinaldo, Policarpio Tolentino, Donato Cabading, Miguel Bartolaso, Ulka Mangona, Jakara Angkang, Bernardino Tugbo at Mauricio Guidote.

Baseball players sa Far ­Eastern Olympic Games na sina Sgt. ­Aquilino Jacob, Cpl. Pablo Chu, Sgt. Gervacio Estorba, Atilano Rivera, Cacimiro Francisco, Ramon Oncinian, Toribio Oncinian, Regino Bertulfo at Cipriano Platon. Basketball players Carlos Canillas, Albert Murrow at Robert Keesy; boxers Francisco Zarcal at Martin Roxas; footballer Jose Miranda; at Concepcion Santos-Cepeda at Juan Ladaw Jr. sa tennis.

166

Related posts

Leave a Comment