ISANG tauhan ng PNP 504th Maneuver Company ang namatay nang salakayin ng communist New People’s Army ang himpilan nito sa Barangay Esperanza, sa bayan ng Pilar sa lalawigan ng Sorsogon dakong 6:54 ng gabi noong Lunes.
Ayon sa report mula sa Sorsogon Police Provincial Office, tumagal ng
15 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng armadong rebeldeng grupo at ng mga pulis na agarang ikinamatay ni P/Cpl. Ryan M. Atos.
Mariing kinokondena ng buong hanay ng PNP Bicol, sa pangunguna ni
PNP-PRO5 Director P/BGen. Jonnel C Estomo, ang pataksil na pamamaslang ng mga rebeldeng NPA.
“Ito ay malinaw at tahasang pagyurak sa karapatan ng publiko na mamuhay nang tahimik at payapa,” ani Estomo. Ipinaabot ng hanay ng PNP Bicol ang pakikiramay sa pamilya ng biktima.
“Ang kanyang ipinamalas na kabayanihan, serbisyo at pagmamahal sa bayan ay magsisilbing inspirasyon sa lahat ng mga Bikolano para ipagpatuloy ang laban para sa kapayapaan at katahimikan,” dagdag ni RD ESTOMO. (JESSE KABEL)
236
